Inoperahan sa lalamunan dahil sa polyps… CRISTY, TODO-THANK YOU KAY LORD NA WALANG CANCER
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | August 31, 2022

Sa wakas ay napanood na si Nanay Cristy Fermin sa radio program nila ni Rommel Chika na Cristy Ferminute nitong Lunes (Agosto 29) sa 92.3 NewsFM at ganu'n din sa Cignal One PH, Radyo5 One PH FB Live at YouTube Cignal Play App pagkalipas nang dalawang linggo.
Maraming naka-miss sa CFM host kaya maraming nagpadala sa kanya ng mensahe na masaya silang lahat na nakabalik at wala na siyang sakit.
Sumailalim ang batikang manunulat at host sa polyp throat surgery sa St. Luke's Bonifacio Global City nitong Agosto 15 at pinagpahinga siya nang dalawang linggo.
“'No talk, no mistake' muna ako, nakakapanibago. Ilang tulog at gising pa at balik na sa normal ang lahat,” ang sagot sa amin ni Nanay Cristy nang kumustahin namin siya pagkatapos ng operasyon niya.
Anyway, pinuri naman ng CFMer’s si Romel at ang pansamantalang humalili kay ‘Nay Cristy na si Von Belinario dahil may mukha na raw. Nasa likod kasi siya ng camera bilang executive producer ng programa.
Nang ibalita ni Nanay Cristy na benign ang nakuhang polyp sa lalamunan niya ay isa kami talaga sa mga pumalakpak at masaya habang pinapanood namin ang programa nitong Lunes nang hatinggabi dahil hindi namin napanood nang live.
Bungad ni ‘Nay Cristy, “Medyo mababa lang po ang aking boses at medyo hindi kailangan na todo-todo ang pagitan ng mga salita dahil ‘ika nga, eh, hindi pa po ganoon katindi ang ayos ng ating sitwasyon. Pero maraming salamat sa Diyos. Sobrang maraming salamat sa Diyos.”
Bago ang kuwento nito sa naging journey niya sa nakaraang operasyon ay binigyan niya ng kredito ang kilalang talent manager at malapit na kaibigan niyang si Tita Dolor Guevarra at ang pamangkin nitong si Dra. Maita Feliciano at ang kanyang team.
“Dapat ibigay ko ang kredito kay Tita Dolor, siya ‘yung naging susi ng lahat ng karamdaman ko mula nang magkaroon ako ng problema sa mata, sa lalamunan hanggang sa lahat. At napakasipag ni Tita Dolor sa pagpa-follow-up at napakasipag niyang magpa-checkup at gusto rin niya, ganu’n tayo sa kanya. Tunay naman po na kailangan nating magpa-checkup.
“Alam n'yo po, wala pong taong matapang pagdating sa operasyon. Hindi po local anesthesia ang ginagamit sa ganitong operasyon sa polyp throat operation, general anesthesia po ito.
“Wala po tayong kalaban-laban oras po na tayo ay in-injection-an na. Kahit po pinakamatapang na emperor, pinakamakapangyarihan, sabi ko nga, ipinanganak po siya na walang damit na tulad natin kaya wala pong matapang na tao na sasalang sa operating table. Wala! Wala talaga!
“At ang pinakamatindi po, hindi tayo basta puwedeng operahan, Romel, mga kapatid, magpapa-clearance po muna tayo. Titingnan po ang lahat, ang kondisyon ng mga bahagi ng ating katawan, ang ating dugo lalo na ang kidneys, lungs, ang heart natin, ang CBC (complete blood count) natin, lahat at kapag may bumagsak po doon, paulit-ulit po ‘yan na ipapakuha katulad po ng ginawa sa akin ni Doctor Mayette Crisostomo ng Marikina Valley Medical Center.
“Alam mo, Romel, kung saan ako umulit nang tatlong beses? Sa blood clot (sabay turo sa daliri).
Kapag pala ikaw ay kinunan ng dugo sa daliri, inoorasan pala ‘yan kung ilang minuto, ilang segundo kung tumigil 'pag ginanu’n (pinisil), kasi para alam ng mga doktor kung kailangang bantayan ka or hindi magdurugo ‘yung bahagi ng katawan mo na sasalang sa operasyon.
Doon ako nag-tatlong ulit pero sa huli, awa ng Diyos, naging maayos na, seven seconds na lang,”
pagkukuwento ni ‘Nay Cristy.
Nabanggit pa na dumaan din siya sa RT PCR test para malamang wala siyang COVID dahil nga tumaas na naman ang kaso ngayon.
“'Pag po bumagsak kayo ru’n, hindi po kayo ooperahan, pauuwiin kayo at maghihintay na naman ng susunod na schedule.
“Heto na, humiga na po kayo sa operating table, nakuha na po 'yung polyp sa inyong lalamunan. Ibinalik na po kayo sa kuwarto.’ Ang pinakamatindi na babagabag sa isip ng isang pasyente, 'yung biopsy.
“Napakahalaga po ng biopsy. Du’n po malalaman kung ang nakuha sa inyo na polyp ay benign o meron pong kaakibat na cancer cells.
“Kapag meron pong cancer cells na positibo, du’n na ‘yung payo na magpapa-PET (Positron Emission Tomography) scan ka. Kapag meron kang kanser sa isang bahagi, natural lamang na marami nang kalat sa buong katawan.
“Napakamahal po ako ng Diyos. Napakamahal po ako ng Diyos. Answered prayer po ako. Talagang noon ko pa po ipinapanalangin 'yung biopsy. Answered prayer po ako. Maraming-maraming salamat.
“Kaya nu’ng mag-text po sa akin si Doctora Maita Feliciano, ‘Tita Cristy, may napakagandang balita po ako para sa inyo.' Third day paglabas ko ng ospital, alam mo, hindi ko na hinintay kung ano ang sasabihin niya. Sabi ko, 'God is good all the time.' Alam ko na ang kasunod nu’n, 'Walang cancer cells ang biopsy ninyo,' napakasarap sa pakiramdam,” pahayag ni Nanay Cristy.
Isa rin sa mga dahilan kung bakit napabilis ang paggaling niya ay dahil ramdam niyang maraming nagmamahal sa kanya at nagbibigay sa kanya ng lakas ng loob.
Hirit pa ni Nanay Cristy, “Ibang magbiro ang kapalaran. Isipin mo, puhunan ko ang boses, du’n ako nagkaroon ng paghamon.
“Parang atleta po ako na pinutulan ng isang paa. Parang ganoon po ang nangyari sa akin. Pero talagang laging may Diyos na gumagabay sa atin kapag sinsero po ang ating pagtawag.
“Kapag talaga pong nagsisikhay tayo at nagpupunyagi para sa ating kaligtasan, wala pong hindi pinakikinggan ang Diyos,” kuwento ni Nanay Cristy.





Comments