Indons kinawawa, may tsansa kaya ang Filipinas vs. Australia?
- BULGAR
- Jan 24, 2022
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 24, 2022

Hindi lang ang Thailand ang tinalo ng Philippine Women’s Football National Team kundi pati na rin ang hamon ng pandemya. Inamin ni Coach Alen Stajcic sa panayam matapos ang laro noong Biyernes ng gabi na hindi nakalaro si forward Sarina Bolden dahil pumasok siya sa health protocol noong Huwebes.
Dahil dito, naapektuhan ang paghahanda ng mga Pinay sa bisperas ng kanilang unang laro. Napilitan din magbago ng stratehiya si Coach Stajcic sa biglang pagkawala ni Bolden na may apat na goal sa walong laro para sa Pilipinas buhat pa noong 2018.
Subalit nagbunga ang kanilang paghihirap at ginawaran ng makasaysayang 1-0 panalo sa mga Thai. Ngayong Lunes, maghaharap ang Pilipinas at Australia sa Mumbai Football Arena simula 6:00 ng gabi para sa solong liderato ng Grupo B at ang mananaig ay halos pasok na sa knockout playoffs.
Kinawawa ng Australia ang Indonesia, 18-0, sa likod ng limang goal ni 2021 FIFA Best Player runner-up Sam Kerr. Pangunahin sa plano ang kung paano mapipigilan si Kerr subalit ipinakita ng Australia ang lalim ng kanilang koponan kung saan walong iba pang kakampi ang nakapasok ng bola.
Kung may nakakaalam kung paano maglaro ang Australia ay ito ay si Coach Stajcic na hinawakan ang parehong koponan mula 2015 hanggang 2019. Talagang masusubukan ang depensa ng Pilipinas na tatampukan nina Hali Long at Dominique Randle at goalkeeper Olivia McDaniel.
Matapos ang kanilang mahusay na ipinakita laban sa Thailand, tiyak na markado na sina Chandler McDaniel at Katrina Guillou. Si Chandler na nakakabatang kapatid ni Olivia ang nagtala ng nag-iisang goal habang kahanga-hanga ang kalidad ni Guillou sa kanyang unang laro sa pambansang koponan.
Ang Australia ang kasalakuyang #11 sa FIFA World Ranking kumpara sa mga Pinay na #64 subalit bilog ang bola at mataas ang kumpiyansa matapos magwagi sa #38 Thailand. Ang huling makakalaro ng Pilipinas sa Huwebes na Indonesia ay #94. Laro ngayong Lunes – Mumbai Football Arena 6:00 PM Australia vs. Pilipinas.





Comments