Indonesia, tinapos ang 2022 AFF campaign ng Phl Azkals
ni Anthony E. Servinio @Sports | January 4, 2023

Sinigurado ni Stephan Schrock na hindi makakalimutan ang kanyang huling laro para sa Philippine Men’s Football National Team. Subalit hindi sapat ang pagbida ng ngayon ay retiradong "Mr. Football" at nanaig pa rin ang bisitang Indonesia, 2-1, sa pagwawakas ng kampanya ng Azkals sa 2022 ASEAN Football Federation (AFF) Mitsubishi Electric Cup Lunes ng gabi sa Rizal Memorial Stadium.
Palobong ipinasa ni Schrock ang bola sa naghihintay na si Sebastian Rasmussen na agad inulo ito papasok sa ika-83 minuto. Biglang nabuhayan ang Azkals at sinikap na malikha ang pantablang goal subalit hindi ito dumating kahit nagdagdag ang reperi ng lima sa takdang 90 minuto.
Sa harap ng 2,037 tagahanga, binuksan ng mga Pinoy ang laban na todo ganado at niratrat ang goal ng Indonesia subalit hindi nakisama ang bola. Biglang pinatahimik ang Azkals ng goal ni forward Dendy Sulistyawan sa ika-21 minuto.
Matapos ang goal ay napilitang palitan ang napilay na Indonesian goalkeeper Nadeo Arga Winata sa ika-23 minuto. Hindi nakuha ng Azkals ang pagkakataon na malamig pa ang bagong pasok na si Syaruhl Trisna Fadillah at dumagdag ng isa pang goal si midfielder Marselino Ferdinan Philipus sa ika-43 minuto para dumoble ang lamang sa halftime, 2-0.
Pagkatapos ng laro ay nagpasalamat si Schrock sa lahat ng mga naging bahagi ng kanyang 11 taong serbisyo sa pambansang koponan. Ayon kay Coach Josep Ferre, mag-uusap pa sila ng Philippine Football Federation (PFF) kung ano ang plano para sa koponan.





Comments