Inapi raw siya ng EB!, rumesbak… IBINULGAR NI ANJO: TITO SEN., MAY KABIT MULA 2013!
- BULGAR

- 8 hours ago
- 4 min read
ni Janiz Navida @Showbiz Special | November 5, 2025

Photo: Anjo Yllana / EB
Marami ang nagulat sa nagba-viral ngayong pasabog ng dating Eat… Bulaga! host na si Anjo Yllana laban sa isa sa mga poste ng noontime show na si Sen. Tito Sotto.
Sa kanyang viral video, binanatan kasi ni Anjo ang kuya ni Bossing Vic Sotto at binantaang ibubulgar ang pangalan ng diumano’y ‘kabit’ nito mula nu’ng 2013 pa.
Eksaktong pahayag ni Anjo sa kanyang video message, “Tito Sen, ang dami mo na namang pinalabas na mga bayaran mo na vloggers. Ah, gusto mo talaga, Tito Sen, na laglagan? Ah, gusto mo, i-reveal ko na mula 2013 kung sino po ‘yung kabit n’yo, Tito Sen? Okay ba sa ‘yo ‘yun, Tito Sen?
“Gusto mo, sabihin ko na kung sino ‘yung kabit mo mula 2013 na pinalakad mo sa akin? Sabihin mo lang, Tito Sen. at iaano ko na, iba-box reveal ko na.
“Sasabihin ko na sa taumbayan kung sino ‘yung kabit mo mula 2013. Sige lang, banatan n’yo lang ako at marami pa akong ilalabas.”
Public knowledge naman na dating magkasama sa EB! at magkaibigan sina Anjo at Sen. Tito, kaya takang-taka ang marami kung saan nanggagaling ang mga sama ng loob ngayon ng kuya ni Jomari Yllana laban sa kuya naman ni Bossing Vic.
Sa isang panayam sa senador ng Senate press, hindi nakaligtas si Tito Sen. na matanong tungkol sa latest pasabog ni Anjo laban sa kanya.
Ayon kay Sen. Sotto, wala siyang balak makipagsagutan kay Anjo dahil nagpapapansin lang daw ito.
“Hindi ko na papatulan. Huwag n’yong pansinin at nagpapapansin ‘yan. Pati ba naman showbiz at paninira, papatulan natin? Itaas natin ang level ng Senate press,” pahayag ng Senate President.
Samantala, sa isang follow-up interview kay Anjo, natanong ito sa kanyang motibo sa pagsasalita nang laban sa dating kasamahang host sa Eat… Bulaga!.
Ani Anjo, malamang ay galit na nga rin sa kanya si Bossing Vic dahil sa pagsasalita niya laban kay Sen. Tito.
Pahayag niya, “Malamang, galit na sa akin ngayon si Vic dahil sa kapatid niya. Wala akong magagawa, eh, inaapi ako ng Eat… Bulaga!.”
Hindi naman idinetalye ng komedyante kung ano’ng pang-aapi ang ginawa sa kanya ng EB!.
Pero sa mga binitiwang pahayag ni Anjo, malinaw nang may kinalaman ang magkaiba nilang pananaw at kampong kinabibilangan sa pulitika kaya siya nagsasalita laban sa Senate President.
Sabi kasi ng komedyante, “Saka ‘yung sinasabi nila na wala akong utang na loob, unang-una, sa pulitika, eh, ‘di ko gusto ‘yung side ni Tito Sen. Nandiyan siya sa side ng ano, eh, nakaalyado siya sa gobyerno, eh. Eh, du’n pa lang, hiwalay na kami.”
Idiniin din niyang hindi dahil galing siya sa Eat… Bulaga! ay dapat na rin siyang maging sunud-sunuran sa mga kagustuhan at paniniwala sa usaping-pulitika ni Tito Sen.
Ani Anjo, “Eh, ano bang ibig sabihin nito, dahil 6 yrs. ago, member ako ng Eat… Bulaga!, magpapaka-tuta na lang ako kay Tito Sen? Ganu’n ba ‘yun? Wala ba akong sariling buhay? Wala ba akong sariling desisyon?”
Kasnod nito, sinagot niya ang tanong at haka-haka ng marami na nasa oposisyon siya kaya binabanatan si Tito Sen.
“Nagagalit sa uakin si Tito Sen. dahil kumakampi ako kay VP Sara? Ano ‘to, habambuhay, porke’t magkasama tayo dati, Tito Sen, porke’t magkaibigan tayo dati, hindi na puwedeng maniwala ako kay VP Sara at siya ang pinaniniwalaan ko na susunod na magiging presidente ng Pilipinas dahil wala akong bilib sa presidente mo? Eh, ano ako, tuta mo, Tito Sen. habambuhay?”
Ipinagsigawan din ni Anjo na kung ‘tuta’ man siyang maituturing, ang taumbayan lang daw ang boss niya.
“Eh, teka muna, kung ako’y tuta, tuta ako ng taumbayan, tuta ako ng mga taong mahihirap na ninakawan nitong gobyernong ito. ‘Yan, tuta ako ng taumbayan, tuta ako ng mga ninakawan. Aaminin ko, tuta ako.
“Pero kung nagagalit ka dahil bakit hindi ako tuta mo dito sa… eh, talagang hindi ako sasama sa ‘yo d’yan sa gobyernong ‘yan dahil ang daming nakawan sa gobyernong ito. Talagang never ako sasama d’yan sa gobyernong… hindi ko susuportahan ‘tong gobyernong ‘to dahil ito na ang pinakakurakot na gobyerno sa tanang buhay ko na naranasan ko. Tapos, susuportahan ko kayo d’yan?”
Sa huli, lumabas din ang tunay na kulay-pulitika ni Anjo na nagsabing DDS siya.
“Dito ako kay VP Sara. Dito ako sa DDS, magdedeklara na akong DDS.”
At teka, hindi kaya napangakuan ng posisyon sa 2028 ang dating EB! host sa pag-amin niyang, “Mag-a-apply na akong senador, vice. Mag-a-apply na akong senador dito kay VP Sara. Titiket na ako para kung manalo ako, pagdating ko sa Senado, sige, du’n kami mag-ano (debate) ni Tito Sen.”
Luh! Totoo ba?!
Napaisip tuloy kami kung nasa katinuan ba ng pag-iisip si Anjo o nagdyo-joke lang siya sa mga hirit niya at sa bandang huli ay sisigaw ng “It’s a prank!”
Pero so far, mukhang ine-enjoy nito ang atensiyong nakukuha sa social media dahil sa pagba-viral ng mga pasabog niya.
Kaya sige, kung talagang malakas ang loob niya at may resibo siya, ilabas niya ang sinasabi niyang “marami pang pasabog” at hayaan niyang ang madlang pipol ang humusga kung sino ang nagsasabi sa kanila nang totoo ni Sen. Tito Sotto base sa mga ebidensiyang lalabas.








Comments