top of page

Inakusahang binayaran ng P10M ng Discaya couple para sa interview… JULIUS, OUT SA NEWS PROGRAM NG TV5

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 29
  • 3 min read

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | August 29, 2025



Julius Babao - YT

Photo: Julius Babao - YT


Pinaninindigan ng veteran broadcast journalist na si Julius Babao na wala siyang tinanggap na cash incentive mula sa Discaya couple nang itampok niya ang mga ito sa kanyang YouTube (YT) channel na Unplugged


Hindi raw niya ito ginawa upang maging bahagi ng news program kundi para sa content ng kanyang vlog.


Ang ginawa ni Babao ay isang feature story na nagpapakita ng rags-to-riches story ng mag-asawang Sarah at Curlee Discaya, para magsilbing inspirasyon sa iba pang nagsisikap din na umangat sa buhay. 


Ganito rin naman ang naging presentasyon ni Korina Sanchez nang i-feature niya sa kanyang show ang Discaya couple.


Sa mahigit tatlong dekada (30 years) ni Julius Babao bilang journalist, malinis ang kanyang record at hindi siya nasangkot sa anumang anomalya at kontrobersiya.


Kaya naman minabuti ni Julius na mag-leave muna sa kanyang news program sa TV5, ang Frontline Pilipinas (FP), hangga’t hindi nalilinis ang kanyang pangalan.


Isang malaking pagsubok ang kanyang pinagdaraanan ngayon sa kanyang propesyon, at nagpapasalamat siya sa ilang totoong kaibigan na dumamay at nagbigay ng moral support.



P10M gastos sa kasal, sayang daw…

“‘WAG MANGIALAM SA BUHAY NG MAY BUHAY” - SHAIRA



Grabe namang maka-react ang ilang netizens nang malaman na P10 million ang nagastos nina Shaira Diaz at Edgar Allan “EA” Guzman sa kanilang kasal. 

Komento ng ilang bashers, puwede naman daw gawing simple lang ang kasal at hindi na gagastusan ng malaking halaga. Puwede raw sanang itabi ang kalahati ng halagang iyon para sa future ng kanilang magiging anak. Dapat daw ay naging praktikal sila sa buhay.


Ganunpaman, mas marami naman ang nagtatanggol kina Shaira at EA. Deserved daw nila ang dream wedding na pinag-ipunan nila nang maraming taon. Kaligayahan na ng isang bride ang makitang maganda ang preparasyon sa kanyang kasal.


Sey nga ni Shaira Diaz sa isa sa mga nag-comment sa marangyang kasal nila ni EA, “‘Wag na kasing mangialam sa buhay ng may buhay.” 


Well, tama rin naman si Shaira at ayaw niyang magpaapekto sa sasabihin ng mga bashers.


Paalis ngayong first week of September sina Shaira at EA para sa kanilang honeymoon sa Switzerland. Ito ang dream destination nila na marami silang happy memories dito together.



SINASAMANTALA ni Shuvee Etrata ang pag-iipon habang maraming endorsements ang dumarating sa kanya ngayon. Hindi sa mga branded na gamit niya ginagastos ang talent fee (TF) mula sa kanyang mga endorsements. Kahit mumurahing sapatos lang ang kanyang isinusuot, hindi niya ito ikinahihiya.


Kailangan niyang makaipon ng malaking halaga dahil may dalawang properties siyang bibilhin para sa kanyang pamilya. 


Balak niyang ipagpatayo ng bahay ang kanyang mga magulang at mga kapatid sa Bantayan Island, Cebu. Pagagawan din niya ng bahay ang kanyang lola at ilang kamag-anak na nasa South Cotabato.


Sila muna ang gusto ni Shuvee na mabigyan ng maginhawang pamumuhay. 


Lahat ng kanyang pagsisikap ay para sa mga mahal niya sa buhay. Taos-puso ang kanyang pagiging breadwinner. Ang lahat ng kanyang hirap at pagsubok na pinagdaanan noon ay magsisilbing inspirasyon upang maabot niya ang mga pangarap. 

At sobrang blessed si Shuvee Etrata dahil mabuti siyang anak.



ISANG malaking sorpresa ang inihanda ni Zoren Legaspi at ng kambal na sina Mavy at Cassy noong 50th birthday ni Carmina Villarroel. 


Inilihim nila kay Mina ang mga preparasyon para sa kanyang birthday celebration, pinalabas lang nina Mavy at Cassy na may pictorial sila para sa isang endorsement kaya kailangan na mag-ayos at magbihis si Carmina.


Dati nang binabanggit ni Carmina kay Zoren na ang gusto niya sa kanyang 50th birthday ay magkaroon ng birthday concert at siya mismo ang kakanta. Ang hindi alam ng aktres, isang surprise birthday concert pala ang inihanda para sa kanya.


Dumalo ang kanyang mga matatalik na kaibigan, at maging ang girlfriend ni Mavy na si Ashley Ortega ay kumanta rin. Masayang-masaya si Carmina dahil natupad ang birthday wish niyang makapag-concert. Kinanta pa niya ang Journey na isa sa mga paborito ni Lea Salonga.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page