top of page
Search
  • BULGAR

Inakalang may mahuhukay na ginto, 1 patay, 1 kritikal

ni Ryan Sison @Boses | October 21, 2023


Marami sa atin na sa kagustuhang mabilis na yumaman ay nagagawang maghanap o magpunta sa mga lugar na sinasabing may mga ibinabaong ginto at iba pang kayamanan para kanila itong hukayin at makuha.


Ito ang ginawa ng dalawang lalaki, subalit isa sa kanila ang nasawi habang isa ang nasa kritikal na kondisyon.


Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, na-suffocate ang mga biktima dahil sa nagkaroon ng gas leak habang ang mga ito ay nagte-treasure hunting umano sa Barangay Can-upao, bayan ng Jagna, Bohol.


Batay sa nakuhanang video sa cellphone, agad na pinuntahan ng mga kapitbahay at bystanders ang dalawang biktima para tulungan na nahirapang huminga.


Ayon kay Police Maj. Joseph Lopena, hepe ng Jagna Police Station, isa sa dalawang lalaki ang mano-manong nagdi-drill ng butas na may lalim na 15 metro sa loob ng isang bahay. At habang ginagawa ito ay hindi sinasadyang natamaan niya ang isang bagay na naglalaman ng poisonous gas na nagdulot ng pagsabog sa loob ng hole o butas. Aniya pa, naghahanap daw ang dalawang biktima ng ginto.


Ang hindi pa matukoy na uri ng gas ay naging sanhi ng pag-collapse ng lalaki sa loob ng pit o hukay. Sinubukan naman siyang iligtas ng kanyang kasama, subalit nakalanghap na rin ito ng gas na naging dahilan din ng pag-collapse nito at pagkahulog sa hukay.


Sinabi ni Lopena na matapos mawala ang amoy ng poisonous gas, agad na ni-rescue ng mga kapitbahay ang mga biktima at isinugod sa pinakamalapit na ospital, kung saan idineklarang dead-on-arrival ang isang biktima habang nagrerekober na ang isa pa.


Wala pang pahayag ang local government unit ng Jagna hinggil sa isyu, gayundin sa pagkakaroon umano ng ginto sa kanilang bayan.


Batay sa Republic Act 7076, bawal ang pagsasagawa ng small-scale mining nang walang kaukulang dokumentasyon gaya ng mining permit.


Gayundin, sa ilalim ng land classification ng Mines and Geosciences Bureau sa Central Visayas, ang mga sloping areas sa Bohol na nasa 90-100 porsyento, ay mga bangin na at nasa ilalim ng forestland o timberland classification.


Matatandaang maraming illegal miners na rin ang naaresto noong 2018 sa mga bayan ng Talibon at Trinidad dahil sa paghahanap ng mga ito ng ginto sa lugar.


Walang naidudulot na mabuti ang pagbabakasakali na makahanap ng kayamanan mula sa mga ibinaon sa lupa at subuking hukayin ito para angkinin.


Hindi kasi sigurado talaga kung may ginto o wala sa ilalim ng lupa dahil maaaring kathang-isip lamang ito ng ating mga ninuno o mga haka-haka gaya ng tinaguriang “Yamashita Treasure”.


Sa ating mga kababayan, huwag tayong umasa sa ganitong yaman na huhukayin lamang at biglang milyonaryo na. Ang tunay na kayamanan ay nanggagaling mula sa ating pagbabanat ng mga buto at pagtatrabaho. Gayundin, ang pag-asenso ay nakasalalay sa ating kakayahan at talento sa tulong siyempre ng Diyos na patuloy na nagbibigay ng lakas at biyaya sa atin.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page