Inaabangan na si Boss Emong sa Pista
- BULGAR
- Jun 21, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | June 21, 2023
Hindi na mahintay ng mga karerista ang muling pagtakbo ni Boss Emong sa pista.
Sari-saring komento ang mga tagahanga ni Boss emong sa social media.
Nakatakdang makipagharurutan si reigning Philippine Sportswriters Association, (PSA - Horse of the Year awardee Boss Emong sa magaganap na 2023 PHILRACOM Gran Copa De Manila Cup na pakakawalan sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas sa darating na Sabado.
Nananalo sa mga malalaking stakes races, makakatagisan ng bilis ni Boss Emong ang anim na tigasing kabayo na nagsaad ng pagsali sa distansiyang 1,600 meter race.
May nakalaan na P1-M guaranteed prize na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta, ang ibang naghayag ng paglahok ay sina Don Julio, Gomezian, Jungkook, Life Gets Better, Robin Hood at Magtotobetsky.
Sasakyan ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate ang Boss Emong, target nilang masilo ang premyong P600,000 habang mapupunta sa second placer ang P225,000.
Susungkitin naman ng third ang P125,000 habang P50,000 ang i-uuwi ng pang-apat na kabayong tatawid sa finish line.
Makatatanggap din ang breeder ng winning horse ng P50,000, habang P30,000 sa second at P20,000 sa third sa karerang suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Paniguradong pinag-aaralan na rin ng mga karerista ang mga tatayaang kabayo lalo na ang mga dehadistang napipili ng kabayong kalaban ng Boss Emong.
Samantala, maliban sa nabanggit na stakes race, maglalarga rin ang Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) ng ilang regular races para mapasaya ang mga karerista sa kanilang paglilibang.





Comments