In Zone, nagwagi sa Handicapping System
- BULGAR
- Jun 17, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | June 17, 2023
Palakpakan ang mga tagahanga ni In The Zone matapos manalo sa PHILRACOM Rating Based handicapping System na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Miyerkules ng gabi.
Sinakyan ni jockey Pabs Cabalejo, inirehistro ng In The Zone ang tiyempong 1:10. 4 sa 1,200 meter race sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Ibinigay ni Cabalejo ang hilig ni In The Zone, hinayaan lang nitong lumarga upang tutukan muna ang matulin sa largahan na Stardust pero papasok ng far turn ay kumapit na ang winning horse.
Pagdating ng huling kurbada ay lamang na ang In The Zone ng tatlong kabayo sa pumapangalawang si Sir William habang tersero na rin si Attractive Force.
Umabot pa sa limang kabayo ang agwat ng In The Zone kay Sir William pagtawid nito sa finish line kaya magaan nitong nakuha ang panalo.
Liyamado sa laban ang In The Zone na pag-aari ni Paolo Mendoza, nasilo nito ang added prize na P10,000 sa pagkakapanalo ng kanyang kabayo.
Dumating na segundo ang Sir Williams, tersero ang Attractive Force habang pumang-apat ang Senyorita.
Walong races ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) kaya nasiyahan ang mga karerista sa kanilang paglilibang.
Samantala, inaabangan na ng mga karerista ang opisyal na line up na tatakbo sa Gran Copa De Manila sa Hunyo 24.





Comments