top of page

Improvised at temporary plates, bawal na sa Dec. 31

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 3, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | September 3, 2024



Boses by Ryan Sison

Magandang balita para sa lahat ng mga motorista.


Pinalawig pa ng Land Transportation Office (LTO) ang deadline para sa pagbabawal ng mga improvised at temporary plates, subalit iginiit muli ng ahensya na iyong mayroon nang tamang plaka ay dapat nakalagay o nakakabit na sa kanilang mga sasakyan.   


Ayon sa LTO, iniurong nila ng hanggang December 31, 2024 ang paghuli sa mga motorista na gumagamit ng mga improvised at temporary plates, sa halip na unang ipapatupad sana nitong September 1.


Sinabi ni LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II na dapat ay kunin na ng mga motorista ang kani-kanilang plaka sa sandaling available na ang mga ito sa car dealerships o replacement platers sa mga opisina ng ahensya. 


Idiniin naman niya na dahil sa pag-extend nila ng deadline ay wala ng rason ang mga may-ari ng sasakyan na hindi i-claim at i-install ang mga plaka ng kanilang mga sasakyan. 


Matatandaang naglabas ang LTO ng memorandum circular laban sa paggamit ng mga improvised at temporary plates matapos na matuklasan nila na hindi kinukuha ng mga registered owner ng mga sasakyan ang kanilang mga plaka mula sa mga motor vehicle dealership. 


Nakipagpulong din ang ahensya sa mga car dealer noong July, at sinabihan sila ng mga ito na hindi kini-claim ng kanilang mga kliyente ang mga plaka nito sa kabila ng paulit-ulit nilang mga mensahe rito.


Ayon pa kay Mendoza, ang natitira na lamang backlog ay mga plaka sa mga motorsiklo at ito ang focus nila sa ngayon bilang pagsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tugunan ang lahat ng backlog sa mga plaka sa June sa susunod na taon. 


Inatasan na rin ni Mendoza ang mga regional director at district office head na makipag-ugnayan sa mga local government units (LGUs) para sa pamamahagi nito.


Sa kabilang ng pagpapalawig sa paggamit ng improvised at temporary plates, dapat din sigurong mag-inot-inot na rin tayo para kuhanin ang kinakailangang plaka ng ating sasakyan.


Hindi naman kasi talaga tama na ang nakakabit na plate number sa ating sasakyan ay pansamantalang plaka na ang mga numero at mga letra nito ay halos hindi mabasa at madali pang masira. 


Ang masaklap pa rito na kapag nagkaroon ng aksidente sa lansangan, may kahirapang habulin dahil marahil sa temporary plates lang ang nasasangkot sa insidente.


Kaya naman huwag na tayong magpabaya na para bang wala tayong pakialam sa iba dahil kailangan pa rin naman nating sumunod sa ipinatutupad na batas. Kumilos sana tayo at huwag maging pasaway, asikasuhin natin ang mga plaka ng ating sasakyan.   


Sa kinauukulan, sana lang ay matapos at makumpleto na ninyo ang mga backlog para naman magkaroon na talaga ng plate numbers ang lahat ng mga sasakyan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page