top of page

Imported rice sa ‘benteng bigas’’ ng gobyerno, pinalagan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 1 min read

ni Mylene Alfonso @News | March 31, 2026



Sen. Imee Marcos

Photo: Sen. Imee Marcos / FB



Kunot-noo si Senador Imee Marcos sa patuloy na paggamit ng imported na bigas sa programang “benteng bigas” ng pamahalaan, sa kabila ng kasalukuyang anihan at kawalan ng idinedeklarang kakulangan sa suplay.


Ayon kay Marcos, malinaw na mas pinili ng ilang opisyal ang kumita kaysa protektahan ang kapakanan ng mga lokal na magsasaka.


“Malinaw naman na walang shortage dahil wala pang idinedeklara ang DA,” giit ng senador. 


“Kung ang programang benteng bigas ay 30kg/buwan kada bahay, 5.4MMT lang ‘yon sa isang taon, pasok pa rin sa lokal na produksyon na 20.3MMT! Maliwanag pa sa sikat ng araw na ginagawang sideline ng mga opisyal ang pagkakitaan ang pag-angkat ng bigas!” aniya.


Iginiit ni Marcos na tila kinakampihan ng ilang opisyal ng Food Terminal Incorporated (FTI) ang importasyon upang mapanatili ang kanilang mga posisyon, sa halip na itaguyod ang mandato ng ahensya.


Binigyang-diin din ng senador na mistulang “multo” ang Trading Unit ng FTI na dapat sana’y direktang bumibili ng ani ng mga magsasaka. 


“Kung may Trading Unit, bakit hindi direktang kinukuha ang ani ng ating mga magsasaka?” giit niya.


Binanggit din ni Marcos na hindi sinadyang buhayin ang contract growing arrangement sa mga magsasaka upang mapangatwiranan ang pag-aangkat.


“Anihan na, bakit pa mag-i-import? Babaratin na naman ba natin ang sarili nating mga magsasaka?” dagdag niya.


“Ang ating sariling kagawaran ay dapat tumulong sa mga magsasaka, hindi protektahan ang mga oportunistang kumikita sa kahirapan ng ating agrikultura,” pagtatapos ni Marcos.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page