top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Impormasyong hinihingi sa contact tracing, gamitin nang tama!

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 3, 2020
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | December 3, 2020


Parte na nga ng ‘new normal’ at health protocols ang pagpirma ng health declaration form tuwing pupunta sa mga establisimyento upang makatulong sa contact tracing.


Bagama’t malaking tulong sa contact tracers, abala naman ang turing ng iba dahil bukod sa masyadong maraming impormasyon ang hinihingi, nagagamit sa maling paraan ang mga impormasyong ito.


Kaya naman, kahit sanay na health protocols tulad ng pagpirma sa health declaration form, may pangamba at duda ang ilan nating kababayan.


Tulad ng isang may-ari ng sari-sari store, dahil halos araw-araw siya sa grocery, nakakatakot umano dahil halos lahat ng mahahalagang impormasyon ay kailangang ibigay, gayundin, ito ay abala.


Reklamo naman ng iba, nakatatanggap sila ng mga walang kuwentang text mula sa ibang tao at tila nangti-trip pa umano at suspetsa ng mga ito, nakuha sa contact tracing form ang kanilang cellphone number.


Dahil dito, nilinaw ng mga awtoridad kung anu-anong impormasyon ang kailangang hingin sa contact tracing form.


Base sa bagong advisory ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Labor and Employment (DOLE), tanging pangalan at contact number lang ang kailangang kunin mula sa mga kostumer para na rin sa data privacy

Gayundin, hindi na kailangan ang mga health survey dahil may temperature check naman bago makapasok sa establisimyento.


Habang hinihikayat ang mga establisimyento na gamitin ang digital contact tracing app na Stay Safe dahil konektado ito sa database ng Department of Health (DOH), tayo naman ay may pakiusap.


Panawagan sa mga may-ari ng establisimyento, tiyaking magagamit lang ang impormasyong ito para sa contact tracing at hindi sa kung anu-ano’ng kalokohan.


Tandaan na responsibilidad din nating protektahan ang mga impormasyon na ipinagkatiwala nila sa atin.


Paalala naman sa publiko, makiisa tayo sa hakbang na ito. Kaunting oras lang naman ang ilalaan natin, gayundin ay malaking tulong ito para sa contact tracing.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page