Implementasyon ng Alert Level System sa buong bansa, sabayan ng mabilis na rollout ng bakuna
ni Ryan Sison - @Boses | November 23, 2021
Nagsimula na kahapon, Nobyembre 22, ang pagpapatupad sa buong bansa ng COVID-19 alert system na unang ipinatupad sa National Capital Region (NCR).
Una rito, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nationwide implementation ng alert level system sa pagtukoy sa mga restriksiyon dahil sa banta ng COVID-19.
Sa ilalim ng Executive Order 151, ang bagong Alert Level System ay umiiral sa NCR, Regions 3, 4-A, 6, 7, 10 at 11 at unti-unting ipatutupad sa Regions 2, 8 at 12 para sa Phase 2; Regions 2, 5 at 9 para sa Phase 3; at Cordillera Administrative Region (CAR), Regions 4-B at 13, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para sa Phase 4.
Gayunman, sa ngayon ay NCR pa lamang ang rehiyon sa bansa na kuwalipikadong maibaba sa Alert Level 1 sa susunod na buwan.
Paliwanag ng mga awtoridad, naging posible ito dahil nakamit na ng Metro Manila ang minimum requirement na mabakunahan ang 70% ng elderly at persons with comorbidity population, gayundin ang mismong 70% ng adult population.
‘Ika nga, hindi na puwedeng paulit-ulit na lang ang mga hakbang na ginagawa natin.
Kumbaga, dapat tayong sumabay sa mga nangyayaring pagbabago, at kabilang na nga ang pagpapatupad ng alert level system sa buong bansa.
Matatandaang sa pamamagitan nito, unti-unting nakabalik sa trabaho ang maraming manggagawa dahil mas marami na ring industriya ang pinapayagang mag-operate sa ilalim ng alert level system. Gayundin, mas mababa na ang naitatalang bagong COVID-19 cases kompara sa mga nakalipas na buwan.
‘Yun nga lang, hindi porke positibo ang epekto nito sa NCR ay aasahan nating ganundin sa iba pang lugar. Tandaan, magkakaiba ang sitwasyon sa bawat lalawigan o rehiyon, kaya dapat nating paghandaan ang mangyayari sa susunod pang mga linggo at buwan.
Samantala, sa pagpapatupad ng alert level system sa buong bansa, sana ay maisabay ang mas mabilis na rollout ng bakuna, lalo na sa mga probinsiya. Sa ganitong paraan, mas mabibigyan ng pagkakataon ang marami pa nating kababayan na makabalik sa trabaho, lalo pa’t inire-require na ito ng gobyerno.
Tingnan at pag-aralan natin ang magiging epekto nito sa iba’t ibang bahagi ng bansa at hangad nating makabuti ito sa nakararami.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments