Imbestigasyon kay Rep. Sandro Marcos, dapat i-live ng ICI
- BULGAR

- 14 hours ago
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 1, 2025

HIRIT NA TRAVEL CLEARANCE NI SEN. ESTRADA SA SANDIGANBAYAN, HINARANG NG DOJ NA IBIG SABIHIN, DESIDIDONG IKULONG ULI ANG SENADOR -- Kinontra ng panel of prosecutors ng Dept. of Justice (DOJ) ang hinihinging travel clearance ni Sen. Jinggoy Estrada sa Sandiganbayan para makapunta sa Japan mula Dec. 26, hanggang Dec. 31, 2025 at magtungo rin sa Norway, Iceland at Austria mula Jan. 5 hanggang 15, 2026, dahil ayon sa Justice department, bukod sa may kinakaharap pang mga kasong graft ang senador kaugnay sa pagkakasangkot nito sa pork barrel scam, ay inirekomenda na rin ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Ombudsman na isama ito (Estrada) sa kasong plunder, malversation of public funds through falsification of public documents at bribery patungkol naman sa pagkakasangkot nito sa flood control projects scam.
Ang pagharang na iyan ng DOJ sa hirit ni Sen. Estrada na travel clearance para makapag-abroad ay indikasyong desidido ang DOJ na ikulong uli ang nabanggit a senador, boom!
XXX
DAPAT I-LIVE NG ICI ANG IMBESTIGASYON KAY REP. SANDRO MARCOS PARA MAKITA NG PUBLIKO KUNG TOTOO O KASINUNGALINGAN ANG ATAKE NI ZALDY CO SA PRESIDENTIAL SON -- Matapos isangkot ni former Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co si Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos sa Bicam insertions at flood control projects scam ay agad itong itinanggi ng kongresistang presidential son at kasunod nito ay nagpalabas siya (Sandro Marcos) ng statement na handa siyang humarap sa isasagawang imbestigasyon ng ICI.
Sana, kapag inimbestigahan na si Cong. Sandro ay i-live streaming ito ng ICI para makita ng publiko kung sino kina Sandro Marcos at Zaldy Co ang sinungaling at nagsasabi ng totoo, period!
XXX
DAPAT NAG-RESIGN MUNA SA COMELEC SI CHAIRMAN GARCIA, BAGO INABSUWELTO SI SEN. ESCUDERO -- Matapos iabsuwelto ng Comelec si Sen. Chiz Escudero sa kasong paglabag sa Omnibus Election Code nang tumanggap ito ng P30 million campaign fund sa kontraktor na si Lawrence Lubiano, may-ari ng Centerways Construction and Development Inc., ay may mga lumabas na isyu na naging abogado pala ng senador si Comelec Chairman George Garcia noong hindi pa ito nanunungkulang head ng komisyon.
Dapat pala ang ginawa ni Chairman Garcia, for delicadeza, ay nag-resign siya sa Comelec bago inilabas ang desisyong pumabor kay Sen. Escudero, at dahil hindi siya nagbitiw sa puwesto, natanim ngayon sa isipan ng publiko na ginamit niya ang kanyang power para iabsuwelto sa kaso ang senador, boom!
XXX
DAPAT ISAULI NG MGA CELEBRITY SA KABAN NG BAYAN ANG PERANG IBINAYAD SA KANILA NG MGA ‘SCAMMER’ NA PARTYLISTS -- Malaki ang naitulong ng ilang celebrity sa pag-endorso kaya laging nananalo sa mga nakaraang halalan ang mga partylist na "Ako Bicol," "CSW," "Uswag Ilonggo" at "Pusong Pinoy."
Nang pumutok ang flood control scandal, nabulgar na ang mga partylist representatives na sina former Cong. Zaldy Co ng Ako Bicol, CSW Rep. Edwin Gardiola, Uswag Ilonggo Rep. James Ang at Pusong Pinoy Rep. Jernie Nisay ay mga kontraktor pala na sangkot sa pang-i-scam sa kaban ng bayan kung kaya't kabilang sila sa inirekomenda ng ICI sa Ombudsman na sampahan ng mga kasong plunder, graft at bribery.
Kaya kung may konsensya ang mga celebrity na nagpanalo sa mga scammer na partylist na ito ay dapat isauli nila sa kaban ng bayan ang ibinayad na talent fee sa kanila, dahil pera ng bayan ang ibinayad sa kanila, at hindi pera ng mga ‘buwayang’ partylist representatives na mga ito, period!








Comments