top of page
Search
BULGAR

Imbes P100 dagdag-sahod, dapat pababain ang presyo ng bilihin ng mga pabidang senador

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Pebrero 19, 2024



NCRPO GEN. NARTATEZ, SIMBILIS NG KIDLAT KUNG MAGSIBAK NG MGA SCALAWAG NA PARAK -- Simbilis ng kidlat na pinadismis agad ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director, Maj. Gen. Melencio Jose Nartatez, Jr. sa serbisyo ang 10 police officers na namuno sa “robbery raid” sa mga Chinese national sa isang condominium sa Parañaque City, at ang ibang pulis na sangkot din dito ay sinampahan ng kasong administratibo, samantalang ang mga pulis na nasa mababang ranggo na sumunod sa maling utos ng kanilang superiors ay pinatawan ng suspensyon.


Sa totoo lang, kung si Gen. Nartatez ang mapipisil ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) na humalili kay PNP Chief Gen. Bienvenido Acorda ay tiyak titino ang mga scalawag sa PNP kasi nga magkakaroon sila ng takot na gumawa ng kabalbalan dahil simbilis ng kidlat kung magpadismis ito ng mga tiwaling pulis, period!


◘◘◘


MALING UTOS NG SUPERIORS, DAPAT ISUMBONG KINA GEN. NARTATEZ O SA PNP CHIEF -- Ang pagpataw ni Gen. Nartatez ng suspensyon sa mga pulis na mababa ang ranggo, dahil sa pagsunod sa maling utos ng mga police officer na namuno sa condo “robbery raid” sa Parañaque City ay magsilbing aral sana sa lahat ng mga pulis na may mga mababang ranggo sa ‘Pinas.


Ang nais nating ipunto rito, kapag ang pulis na may mababang ranggo na inutusan ng kanilang mga superior na gumawa ng mali ay dapat huwag itong sundin, at kung natatakot na huwag sumunod sa maling utos, ang dapat gawin after ng kanilang police operations ay magsumbong kay Gen. Nartatez o kaya sa PNP chief.


Kapag ganyan ang kanilang ginawa, hahangaan pa sila ng liderato ng PNP at magiging bida pa sila sa mata ng publiko, period!


◘◘◘


PABIDA NG MGA SENADOR SA P100 DAGDAG-SUWELDO SA WORKERS, SABLAY DAHIL ‘DI NAMAN LAHAT TATAAS ANG SUWELDO, TATAAS PA ANG PRESYO NG BILIHIN -- Ayon sa mga negosyanteng kasapi ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) ay sablay ang pabida ng mga senador na nagsusulong ng P100 dagdag-suweldo sa mga manggagawa dahil kapag ipinatupad daw ito ay maoobliga ang mga manufacturer na magtanggal o magbawas ng kanilang mga trabahador at magdagdag din sa presyo ng kanilang mga produkto, at kapag nangyari ito, ang tatamaan ay ang 84% ng mga naghahanapbuhay na walang amo, hindi namamasukan sa kumpanya at pabrika, tulad ng mga magsasaka, mangingisda, vendors, drivers ng jeep, taxi, tricycle, pedicab at iba pa dahil hindi sila sakop ng dagdag-P100 suweldo.


May punto ang PCCI dito, kaya’t imbes na pabidang dagdag P100 daily sahod sa mga manggagawa, ang dapat gawin ng mga senador at maging ng mga kongresista ay gumawa sila ng paraan kung paano mapapababa ang presyo ng mga bilihin at bayarin kasi sa totoo lang, ‘yang mataas na inflation rate ang nagpapahirap sa mga Pinoy, boom!


◘◘◘


KUNG TOTOONG NASA CHINA NA SI PASTOR QUIBOLOY, PARANG SINABIHAN NIYA SI SEN. RISA NA ‘MAGHABOL SA TAMBOL MAYOR’-- May impormasyon na para makaiwas si Pastor Apollo Quiboloy sa imbestigasyon ni Sen. Risa Hontiveros patungkol sa mga kinasasangkutan niyang kasong sexual abuse sa mga kasapi ng kanyang sekta, ay lumabas na raw ng ‘Pinas si Pastor Quiboloy at sa ngayon ay nasa China na raw ito.


Kung totoo ito, eh parang sinabihan na rin ni Quiboloy si Sen. Risa na “maghabol sa tambol mayor”, he-he-he!


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page