Imbes na sa mga korup, sa COA pa talaga nagalit si P-Digong
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | August 24, 2021
HINDI LANG SI EX-P-NOY ANG MAY APPOINTEE SA COA, MAY APPOINTEE RIN SI P-DUTERTE SA COA—Depensa ni Presidential spokesman Harry Roque tungkol sa ibinubulgar ng Commission on Audit (COA) na ang mga kaiwalian sa iba’t ibang ahensiya ng Duterte gov’t. ay panahon na kasi ng eleksiyon, at suriin ng publiko ang pagkatao ng mga taga-COA.
Sa tema ng salita ni Roque, tila gusto niyang palabasin na appointee lang ni ex-Pres. Noynoy Aquino ang nasa COA kaya sinisiraan ang Duterte gov’t.
Kung ‘yan ang nais palabasin ni Roque ay sinungaling siya kasi hindi lang ‘Dilawan’ ang nasa COA, may DDS din sa katauhan ni Commissioner Roland Pondoc na itinalaga ni P-Duterte noong Pebrero 6, 2018, period!
◘◘◘
IMBES NA SA TIWALI MAGALIT, SA COA NAGALIT SI P-DUTERTE—Tandang-tanda pa ng mga Pilipino ang ibinida ni P-Duterte noong June 2016 na “hate” niya ang korupsiyon, na may mag-report lang sa kanya na may katiwalian sa tanggapan ng pamahalaan ay sibak ang aabutin ng mga korup.
Ito na ang siste, nang i-report ng COA na may nagaganap na katiwalian sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan, hindi sa mga korup nagalit si P-Duterte, kundi sa mga taga-COA, boom!
◘◘◘
SA PANAHONG NANANALASA ANG DELTA VARIANT AY IMPORTANTE ANG CONTACT TRACING, PERO HINDI MAKAPAG-CONTRACT TRACING KASI WALANG PONDO—Ngayong nananalasa na sa bansa ang Delta variant, ang isa sa mga importanteng dapat gawin ng Duterte gov’t. ay contact tracing para mai-isolate ang mga nagka-Delta variant upang mapigilan pagdami ng mga tinatamaan ng deadly virus, kaya lang ang masaklap, sabi ni Contact Trace czar, Mayor Benjamin Magalong ay hindi na sila makapaglunsad ng contact tracing dahil wala pa ibinabagsak na pondo ang Malacañang sa kanila para i-renew ang kontrata ng libu-libong contact tracers.
Mantakin n’yo, P67 bilyon inilaan ng Duterte gov’t. sa Department of Health (DOH) na ayon sa COA (Commission on Audit) ay hindi nagamit sa tama, pero pagdating sa budget para sa mga contact tracers ay wala, buwisit!
◘◘◘
HAPPY NGAYON ANG MGA DDS SA PAGKATALO NI PACQUIAO, PERO PAGBALIK SA ‘PINAS NI PACMAN, ‘IYAK’ NAMAN ANG MGA DDS—Mula nang ibulgar ni Sen. Manny Pacquiao ang “ayuda scam” sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang katiwalian sa Duterte gov’t. ay nagalit na ang mga DDS sa boksingerong-senador, kaya nang matalo si Pacman sa laban nito kay Cuban boxer Yordenis Ugas ay nagbunyi ang mga taga-suporta ni P-Duterte.
Ang pagbubunyi ng mga tagasuporta ni P-Duterte sa pagkatalo ni Pacquiao ay ngayon lang ‘yan kasi kapag nakabalik na sa Pilipinas si Pacman ay “iyak” naman ang aabutin ng mga DDS kasi ang pramis ng boksingerong-senador, pagbalik niya sa bansa ay paiimbestigahan niya sa Senado ang talamak na korupsiyon sa Duterte gov't., abangan!





Comments