top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Imahe ng kapulisan, ‘di na maganda, dinudungisan pa, tsk!

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 23, 2020
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | December 23, 2020


Hindi pa rin tapos ang usapan tungkol sa kapulisan.


Hanggang ngayon, laman pa rin ng balita at usapan ang kapulisan matapos ang insidente ng pamamaril ng kanilang kabaro sa mag-ina sa Tarlac.


Maraming nagtatalo kung sino ang may kasalanan habang inuungkat ang iba pang insidente na kinasangkutan ng ilang pulis.


Habang patuloy ang imbestigasyon at ungkatan ng mga isyu, isa namang kalokohan ang na-hulicam sa San Fernando, Pampanga.


Dalawang holdaper na nakabihis-pulis ang lumusob sa isang e-bingo kung saan higit P1 milyon ang kanilang natangay.


Base sa CCTV footage ng establisimyento, kita sa first floor ng E-Bingo Hall ang sekyu na may kausap na dalawang lalaki, pasado alas-6:00 ng umaga.


Kuwento ng attendant na nakasaksi ng pangyayari, narinig niya ang sagutan ng security guard at mga nagpanggap na pulis. May hinahanap umanong “NPA” ang dalawang kawatan at gustong umakyat sa gusali.


Nang manghingi ng search warrant ang sekyu, bumunot ng baril ang mga salarin at dinala sa second floor ang sekyu kung saan naroon ang teller.


Pagkapasok, pinadapa ang guard at isa pang empleyado at kinuha ang kanilang mga cellphone saka tinutukan ng baril ang teller at pinapunta sa kaha.


Itinali ng nylon cord ang guard at empleyado habang nililimas ng isa sa mga salarin ang pera sa kaha na nagkakahalagang P1.3 milyon.


Matapos ang panghoholdap na umabot ng 12 minuto, tumakas ang mga salarin sakay ang puting van.


Samantala, dumepensa ang San Fernando police na hindi sangkot ang kanilang mga kabaro sa panghoholdap dahil nagsuot lamang ang mga ito ng uniporme ng pulis.


Nakadidismaya dahil dalawang araw bago mag-Pasko, wala pa ring tigil ang mga krimen — patayan, nakawan at kung anu-ano pa. Ang masaklap, ginagamit ang ibang tao para makapambiktima. Tsk!


Gayundin, nakalulungkot dahil sira na ang imahe ng kapulisan, lalo pa nating dinudungisan.


Pakiusap sa publiko, awat na sa inyong mga kalokohan at utang na loob, ‘wag tayong mandamay ng iba.


Tandaan n’yo, nariyan lang ang karma at hindi man kayo maparusahan agad, may oras din kayo.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page