Illegal vendors, makiisa sa clearing ops para walang sakitan at agawan ng paninda
ni Ryan Sison - @Boses | November 01, 2020
Pagkatapos ng mahigit pitong buwang suspensiyon, inanunsiyo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagbabalik ng Road Clearing Operation 2.0, depende sa quarantine classification na ipinatutupad ng local government units (LGUs).
Maliwanag ang mandatong ibinigay ng DILG sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na linisin ang mga bangketa at kalsada, kaya naman nagsimula na ang konsultasyon at abiso sa mga vendor na maaapektuhan ng clearing operation mula Nobyembre 16.
Kamakailan, nagkagulutan nang mag-operate ang special task force laban sa mga naka-illegal parking sa Makati at Pateros. Ayon sa hepe ng task force, legal ang operasyon dahil ang mga barangay at LGU mismo ang humiling na linisin ang mga lugar na talamak sa illegal parking.
Paliwanag ng task force, paalala lang ito na mas matinding paglilinis ang gagawing clearing mula Nobyembre 16.
Gayunman, nagsimula nang makipag-usap at mag-abiso ang mga awtoridad sa illegal vendors hinggil sa gagawing operasyon, kasabay ng pangako na maximum tolerance ang paiiralin, ngunit kapag nagmatigas ang mga ito, puwedeng humantong sa kumpiskahan ng mga paninda.
Kaya hiling ng MMDA sa LGUs, matinding kooperasyon at pakikipagtulungan ang kailangan para masunod nang maayos ang road clearing 2.0.
Samantala, ire-relocate sa tamang lugar ang mga apektadong vendors para hindi makasagabal sa motorista at dumaraan.
Paalala lang ng MMDA sa LGUs, sabihin sa kanila kung saan puwedeng magtinda ang mga vendor para hindi na paalisin.
Sa totoo lang, dapat tugunan ulit ang naudlot na operasyong ito. Lalo pa ngayong marami na rin ang naaapektuhan ng pagbabalik sa kalye ng mga illegal vendor dahil sagabal na sa mga sasakyan, gayundin sa mga dumaraan.
Pakiusap sa mga mapapaalis, sumunod ho tayo para iwas-gulo. Tulad ng nabanggit, may relocation naman, kaya plis lang, ‘wag na ho tayong magmatigas kung malinaw na sagabal sa daanan ng tao at sasakyan.
Panawagan naman sa mga awtoridad, maglaan ng mahabang pasensiya.
Kaunting sakripisyo para sa kaayusan at kalinisan ng ating mga kalsada.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments