Illegal dismissal, obligasyon ng empleyado na patunayan
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 25, 2023
Dear Chief Acosta,
Sinabihan ako ng aking amo sa kanyang opisina na tanggal na diumano ako sa trabaho kaya hindi na ako bumalik pa. Nang magkaharap kami upang magkasundo, itinanggi niya na tinanggal niya ako. Wala akong ebidensya o testigo para patunayan ang pagtanggal sa akin.
Obligasyon ba ng amo ko na patunayan na tinanggal niya ako? –Jussell
Dear Jussell,
Ang iyong katanungan ay tinalakay na ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema sa kasong “ITALKARAT 18, INC. vs. Juraldine N. Gerasmio” (G.R. No. 221411, 28 September 2020), na isinulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Ramon Paul L. Hernando, kung saan binigyang-linaw na ang katotohanan ng pagtatanggal sa trabaho, kung pinagtatalunan, ay dapat na patunayan ng nagrereklamong empleyado:
“Indeed, in illegal dismissal cases, the burden of proof is on the employer in proving the validity of dismissal. However, the fact of dismissal, if disputed, must be duly proven by the complainant.
We have held in Machica v. Roosevelt Services Center, Inc.:
The rule is that one who alleges a fact has the burden of proving it; thus, petitioners were burdened to prove their allegation that respondents dismissed them from their employment.
It must be stressed that the evidence to prove this fact must be clear, positive and convincing.
The rule that the employer bears the burden of proof in illegal dismissal cases finds no application here because the respondents deny having dismissed the petitioner.”
Ayon sa nabanggit na kaso, ang katotohanan ng pagtatanggal sa trabaho, kung pinagtatalunan, dapat patunayan ng nagrereklamong empleyado. Ito ay alinsunod sa tuntunin na ang sinumang nag-aakusa ng isang katotohanan ay may pasanin na patunayan ito.
Batay sa iyong salaysay, itinanggi ng amo mo ang pagtatanggal sa iyo. Samakatuwid, hindi obligasyon ng iyong amo na patunayan na tinanggal ka niya dahil pinagtatalunan ang katotohanan nito kaya dapat mo itong patunayan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments