Ilipat na lang daw sa FDCP… ATTY. TOPACIO, PABOR NA TANGGALIN SA MMDA ANG MMFF
- BULGAR
- Nov 8, 2022
- 2 min read
ni Janiz Navida @Showbiz Special | November 8, 2022

Hindi pa pala natutuloy ang meeting na sinabi ni Atty. Ferdinand Topacio nu'ng unang mediacon ng kanyang movie na Mamasapano sa Metro Manila Film Festival Committee para mai-bring up niya sana ang kanyang concern tungkol sa sistema ng taunang festival na gusto niyang mabago para matulungang makabangon at mag-grow ang ating movie industry.
Isa kasi sa mga advocacies ni Atty. Topacio kaya raw sumali siya sa MMFF sa pamamagitan ng kanyang Mamasapano movie under Borracho Films ay para ma-elevate ang kalidad ng mga pelikulang ipinapalabas sa taunang festival at nang sa ganu'n, maging world-class at globally competitive ang mga Pinoy films.
Pero ayon na nga rin sa update niya kahapon, hindi pa natutuloy ang meeting nila kaya wala pa siyang maibigay na latest info sa press people sa second grand mediacon ng Mamasapano (Now It Can Be Told) kahapon.

Gayunpaman, diretsahang sinabi ni Atty. Ferdie na "Kenkoy ang MMFF" dahil nga raw sa ruling nito nu'ng mga nakaraang taon na 'first day, last day' sa mga sinehan ang mga pelikulang mahina sa takilya o 'yung mga hindi masyadong bumebenta sa moviegoers.
Katwiran ni Atty. Ferdie, dapat ay gayahin natin ang Top 5 international film festivals tulad ng Cannes, Venice, Zurich, etc., kung saan kapag sinabing filmfest, malakas o mahina man ang gross ng pelikula, hindi tinatanggal sa mga sinehan hanggang matapos ang festival.
Dapat ay magsakripisyo muna raw ang mga negosyanteng nakikinabang sa mga ipinapalabas na pelikula nang sa gayon, mabigyan ng pagpapahalaga ang mga quality films na mapanood ng nakararami at sa paraang 'yun, maiimpluwensiyahan ang mga moviegoers na tumaas ang standard ng kalidad ng kanilang pinapanood.
Diretsahan ding sinabi ni Atty. Topacio na sa sistema talaga ng MMFF may problema at wala sa pamamalakad ng MMDA (Metro Manila Development Authority), bagama't may ilang tao rin daw na 'sablay' kaya nga siya sumali sa taunang festival para makatulong sa pagbabago ng sistema.
Isa pang sinang-ayunan ng Borracho Films producer ay ang paglilipat ng pamamahala ng MMFF sa Film Development Council of the Phils. (FDCP) dahil ang organisasyong ito ay nakatutok talaga sa pagtulong sa paglago ng mga pelikulang Pilipino.
Naniniwala si Atty. Topacio na mas may kaalaman at tamang strategy ang FDCP sa pamamahala ng festival.
Well, aalamin namin ang update kung hanggang saan aabot ang powers ni Atty. Ferdinand Topacio para mabago ang sinasabi niyang 'sablay' sa sistema ng pamamahala sa Metro Manila Film Festival sa susunod na grand mediacon ng Mamasapano na isa sa 8 official entries sa MMFF.
And hopefully, sa next presscon, kumpleto na rin ang attendance ng cast ng movie lalo na ang mga bidang sina Edu Manzano at Aljur Abrenica na hindi nakarating kahapon at tanging si Paolo Gumabao lang sa tatlong bida ang nandu'n, plus sina Ritz Azul, Jojo Abellana among others.
Ang Mamasapano(Now It Can Be Told) ay mula sa direksiyon ni Lester Dimaranan at palabas na sa Dec. 25 sa lahat ng sinehan nationwide.





Comments