Ilegalista sa CAMANAVA, kailan kaya masasampolan?

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | February 4, 2021
IMBES NA MAKI-JOIN SA BAYANIHAN, PAMUMULITIKA ANG INAATUPAG NG MGA SUPPORTERS NI MAYOR SARA—Matapos mamigay ng mga kalendaryong may mukha ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na may nakasulat na “Run Sara for President 2022” ay nagsagawa ng motorcade ang mga DDS para kumbinsihin ang presidential daughter na kumandatong presidente sa 2022 election.
Hay naku, imbes na maki-join ang mga DDS sa bayanihan ng mga Pilipino sa pagtulong sa mga kababayang naghihirap at nagugutom sa panahon ng pandemya, ang inaatupag pa ay pamumulitika, mga pwe!
◘◘◘
DAMING “HAHA” AT ANGRY REACTIONS SA KAMPANYANG “SARA FOR PRESIDENT 2022”—Sa Facebook reactions ng netizens, ang daming nag-“haha” at nag-angry react sa pangangampanya ng mga DDS sa kandidatura ni Mayor Sara, na ibig sabihin, maraming humagalpak ng tawa at nagalit.
Ibig sabihin, natatawa at nagagalit ang netizens sa ginagawang ito ng mga DDS kasi ang laki ng problemang kinahaharap ng bansa dahil araw-araw ang daming tinatamaan ng virus, namamatay sa virus, wala pa rin bakuna, daming nagsasarang kumpanya at nawalan ng work, naghihirap, nagugutom, baon na sa utang ang Pilipinas, ang taas pa ng presyo ng mga bilihin at bayarin, tapos ang sigaw nila, “Mayor Sara for President”, mga buwisit!
◘◘◘
HUWAG SANANG PEKENG BAKUNA ANG NAITUROK SA MGA SUNDALO NG PSG AT PA—Inaresto ng Chinese authorities ang 80 katao na gumagawa ng pekeng COVID-19 sa China at ayon sa report, noon pang nakalipas na Setyembre 2020 ay nagbenta ng pekeng bakuna ang sindikatong ito.
Nakupo, huwag sanang pekeng bakuna ang naiturok sa mga sundalo ng PSG (Presidential Security Group) at Philippine Army (PA) kasi may lumabas na report na Setyembre 2020 nang bakunahan ng smuggled vaccines ang mga kawal ng bayan, period!
◘◘◘
MAGAWA KAYANG IPAHULI NI GEN. BONDOC ANG MGA ILEGALISTA SA CAMANAVA AREA?—Tinanggal na bilang director ng Northern Police District (NPD) si Gen. Ely Cruz at ang ipinalit sa kanya sa NPD ay si Gen. Nelson Bondoc.
Kung hindi nagawang ipahuli ni Gen. Cruz ang mga ilegalista sa north part ng Metro Manila, tingnan nga natin kung makaya ni Gen. Bondoc na ipahuli bookies ng karera at lotteng nina “Jr.” at “Edmon” sa Caloocan City at lotteng nina “Mario” at “Atan” sa Malabon City, “Jun” at “Santa” sa Valenzuela City at “Leody” sa Navotas City at sa jueteng ni “Neth” sa buong CAMANAVA area, abangan!





Comments