Ilegal na pagpasok ng COVID-19 vaccines sa bansa, dapat bantayan at tutukan ng awtoridad!
- BULGAR

- Dec 19, 2020
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | December 19, 2020
Tulad ng paulit-ulit nating binabanggit, nakapasok na sa Pilipinas ang COVID-19 vaccine.
At ‘yun nga, in-order na ito ng mga “celebrity” at “mayayamang Pinoy”!
◘◘◘
Walang opisyal na pahayag ang Malacañang, DOH at IATF kaugnay ng “hand carry” o “smuggled COVID-19 vaccine”.
Hindi ito idinaraan sa Customs, kaya’t maituturing itong kontrabando o epektos!
◘◘◘
Dapat gumamit ng lohika ang IATF at Malacañnang sa pagbibigay ng opinion hinggil dito.
Hindi ito puwedeng itanggi, pero bakit hindi ito kinukumpirma?
◘◘◘
Walang malinaw na gabay o guidelines hinggil sa paggamit ng vaccine na aktuwal nang ginamit sa U.S., Britain, Canada at China.
May mga umaming sila ay nagboluntaryong nagpaturok ng COVID vaccine na sarili nilang gastos.
Ano ang official statement dito ni P-Digong at COVID czar Carlito Galvez?
◘◘◘
Hindi puwedeng itanggi ng mga awtoridad na wala pang nakakapasok na COVID-19 vaccine sa loob ng Pilipinas dahil magmumukha silang sinungaling at engot.
Kailangan ay kumpirmahin ito ng Malacañang, magbigay ng opisyal na pahayag at maglabas ng “guidelines”!
◘◘◘
Hindi puwedeng ipagbawal ng Malacañang ang aktuwal na pagpapaturok ng COVID-19 vaccine ng sarili nilang mamamayan lalo pa’t hand carry o dinala ito sa loob ng bansa mula sa mga bansang mayroong mass vaccination.
Kukumpiskahin ba, parurusahan o ikukulong ang mahuhulihan ng COVID-19 vaccine na lehitimo at garantisado o genuine?
◘◘◘
Walang malinaw na regulasyon o gabay ang Malacañang sa aktuwal na pagpasok ng COVID-19 vaccine na hindi nagdaan sa normal na proseso ng procurement.
Trabaho ‘yan ng COVID-19 czar!
◘◘◘
Tatlong klase ang COVID-19 vaccine na maaaring pumasok sa Pilipinas at aktuwal na gamitin ng mamamayan.
Una, ang vaccine na binili sa normal na proseso ng gobyerno at pribadong sektor na may lantarang transaksiyon saksi ng mga awtoridad.
Ikalawa, ang COVID-19 vaccine na inismagel o itinakas o itinago nang ipasok sa pantalan kakutsaba ang ilang opisal ng Custom—‘yan ang aktuwal na smuggled vaccines.
Ikatlo, ang COVID-19 vaccine na hindi binili o libreng nagmula sa kamag-anak ng Pinoy sa ibang bansa ay lihim na ipinasok sa Pilipinas “for personal use”!
◘◘◘
Dakdak nang dakdak ang mga awtoridad, pero ang binabanggit nilang vaccine ay darating pa bandang Abril o Hunyo.
Hindi binabanggit ng IATF at Malacañang ang vaccine na “for personal use” at privately na binili sa ibang bansa papasok sa Pilipinas — ano ang posisyon dito ng gobyerno?
◘◘◘
Pinakamahalaga, paano mapipigil ng gobyerno ang nakasanayan at talamak nang smuggling tulad sa pagpapasok ng shabu, droga, epektos sa loob ng Customs—nang lihim at hindi nagbabayad ng buwis?
Imposibleng hindi pa nakapapasok sa Pilipinas ang vaccine na “made in China” dahil ang shabu ay malayang nakakapasok, ere pang bakuna?
◘◘◘
Paulit-ulit ang balita at press conference na parang sirang-plaka pero iniiwasan na banggitin ang COVID-19 vaccine na ipinapasok ng mga pusakal na smugglers.
Paano kung magpasok ang mga smugglers ng lehitimong COVID-19 vaccine?
Ano ang posisyon ng pamahalaan, lihim ba nila itong bebendisyunan dahil hindi naman gagastos ang gobyerno — pero makatutulong ito upang makasalba ang mamamayang Pinoy?
Titiba na naman ang mga malapit sa kusina ni P-Digong.
He-he-he!





Comments