Ilang senador, todo-display, wa’ naman “yagbols” ipaglaban ang kapakanan ng mamamayan
ni Ka Ambo - @Bistado | May 22, 2021
Sisimulan na ng Kamara ng mga Representante ang pagtalakay sa impeachment complain na isinampa kontra kay Supreme Court Justice Marvic Leonen.
Masusubok ang kanyang tigas!
◘◘◘
WALANG ingay ang agawan sa liderato ng Kamara dahil abala rin ang mga ito sa pagtalakay sa Bayanihan 3 Act.
Mainit ang diskusyong magkaloob ng tig-P10-K kada pamilya kaysa sa kakarampot na tig-P1-K ayuda kada taong nagdarahop!
◘◘◘
NAGULO kamakailan ang Kamara dahil sa patutsadahan ng dalawang kampo na nag-aagawan sa poder.
Marami ang bumabalimbing kaya’t nagkakaletse-letse!
◘◘◘
SA US Congress ay malinaw ang hiwalayan ng Democrats at Republicans.
Kumbaga sa labada, ang puti ay sa puti; at ang de-kolor ay sa de-kolor!
◘◘◘
ISANG may paninidigan sa Kamara nang magkaroon ng balitaktakan sa liderato noong nakaraang taon ay ereng si Congresswoman Lucy Torres Gomez.
Taliwas sa ilang kasama niya sa Visayan Bloc, hindi bumalimbing ang misis ng aktor na si Richard Gomez.
Kumbaga, mas may “balls” si Torres kaysa sa ibang pumoporma-porma lang!
◘◘◘
LUMUTANG si Rep. Torres sa mainit na isyu sa Anti-Terrorism Bill hanggang ito ay malagdaan ni Pangulong Duterte at maging ganap na batas.
May personal na karanasan si Torres sa isyu ng terorismo dahil hina-harass ang kanyang pamilya ng mga miyembro ng CPP-NPA!
◘◘◘
BUHAY na saksi si Torres sa talamak na revolutionary tax na ipinupuwersa ng mga NPA.
Kapag hindi nagkaloob ng revolutionary tax ay mina-murder ito ng mga rebelde!
◘◘◘
TALIWAS sa ilang kongresista, hindi dekorasyon lamang si Torres sa Kamara, bagkus ay ipinaglalaban niya ang kanyang pinaninindigan.
Nakita ang disposisyon ni Torres sa isyu ng terorismo!
◘◘◘
SA totoo lang, mas may matapang na disposisyon si Torres kumpara sa ilang miyembro ng Senado na pa-display-display lang pero walang “yagbols” na ipakipaglaban ang interes ng ordinaryong mamamayan.
Kailangan ng mamamayan, ang mga public officials na may disposisyon, desisyon at paninindigan!
◘◘◘
MARAMING dapat talakayin sa Kamara lalo pa’t napapagitna ang bansa sa matinding krisis.
Maaaring mawala ang COVID, pero nagkakaisa ang mga eksperto na bibilang ng ilang taon bago mabalik sa pagnenegosyo ang mga nagsaradong pabrika at kompanya!





Comments