Ilang political party umapela sa Comelec na payagan ang selfie sa campaign rallies
- BULGAR

- Feb 10, 2022
- 1 min read
ni Jasmin Joy Evangelista | February 10, 2022

Nagpasa ng petisyon ang ilang political parties sa Commission on Elections (Comelec) upang hilingin na payagan ang pakikipag-selfie ng mga kandidato sa campaign rallies, ayon kay Department of the Interior and Local Government spokesperson Jonathan Malaya nitong Huwebes.
Sa isang panayam, sinabi ni Malaya na ang kanilang departamento, na siyang nagmo-monitor ng implementation ng health protocols sa campaign rallies, ay naghihintay lamang ng desisyon mulasa Comelec hinggil sa usaping ito.
“Ang alam ko po may petition na ang ilang political parties sa Commission on Elections, so inaantay na lang po natin yung kanilang magiging decision,” aniya.
"Kami po ay deputized lamang ng Comelec at kami po ay hindi gumagawa ng polisiya," dagdag pa ni Malaya.
Sa ilalim ng Section 14 of Comelec Resolution 10372, kabilang sa mga ipinagbabawal na aktibidad sa in-person campaigns ay pagkuha ng selfie, photographs at mga kahalintulad na aktibidad na magkakaroon ng close proximity sa pagitan ng kandidato, mga kasama nito, at ng publiko.
Anumang election offense ay parurusahan sa ilalim ng Section 264 ng Omnibus Election Code, kung saan ang parusa sa violators ay pagkakakulong ng hindi bababa sa isang taon at hindi lalagpas ng anim na taon.
Sinumang mapapatunayang guilty ay madi-disqualified na magkaroon ng puwesto sa public office at deprivation of voting rights.
Ang mga political party naman na mapapatunayang lumabag ay pagmumultahin ng hindi bababa sa P10,000.




Comments