Ilalagay sa mga pampublikong lugar — Robin... Prayer room para sa lahat ng relihiyon
- BULGAR

- 15 hours ago
- 1 min read
ni Mylene Alfonso @News | June 7, 2026

Photo: Robin Padilla - FB
Sa gitna ng pagod, pangamba, at mga personal na pagsubok na kinakaharap ng maraming Pilipino araw-araw, madalas ay wala man lamang maayos na espasyo sa mga pampublikong lugar kung saan maaaring magdasal, magnilay, o sandaling manahimik.
Naniniwala si Sen. Robinhood “Robin” Padilla na ang tunay na inklusibong lipunan ay hindi lamang nagbibigay ng serbisyo kundi nagbibigay din ng paggalang sa dignidad, pananampalataya, at konsensya ng bawat tao.
Dahil dito, isinulong niya ang Senate Bill No. 1629 o ang Multi-Faith Prayer and Quiet Rooms Act of the Philippines, na layuning magtatag ng mga multi-faith prayer at quiet rooms sa mga pampublikong tanggapan at iba pang pampublikong establisyemento upang magkaroon ng ligtas, neutral, at inklusibong espasyo para sa panalangin, pagninilay, meditation, o tahimik na pagpapahinga anuman ang relihiyon o paniniwala ng isang tao.
Sa ilalim ng panukala, ang mga prayer at quiet rooms ay hindi maaaring magtaglay ng permanenteng simbolo ng anumang relihiyon at dapat manatiling bukas sa lahat nang walang diskriminasyon. Layunin nitong tiyaking may lugar para sa katahimikan at pagninilay ang bawat Pilipino habang iginagalang ang kalayaan sa pananampalataya at paniniwala.





Comments