Ikatlong pamamaril na 'to — PBBM... Mga iskul, dapat bantay-sarado

ni BMylene Alfonso @News | September 20, 2026

Photo: Si Education Sec. Sonny Angara na nagtungo sa Banga National High School matapos ang insidente ng pamamaril - DepEd
Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng mas mahigpit na mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa mga paaralan, kasunod ng pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato.
Ayon sa Pangulo, hindi dapat maging normal na bahagi ng buhay ng mga batang Pilipino ang karahasan at pamamaril sa loob ng paaralan.
“Hindi natin maaaring tanggapin na maging bahagi na lamang ng buhay ng ating mga anak ang mga pamamaril sa paaralan. Karapatan ng ating mga anak na makapag-aral nang walang takot. Karapatan ng mga magulang na maipadala sila sa paaralan nang alam na uuwi silang ligtas. Ito ang pananagutan natin sa bawat pamilyang Pilipino," diin niya.
Sa harap nito, iniutos ni Pangulong Marcos ang isang masusing imbestigasyon sa insidente, kabilang ang mga pangyayari kung paano nakakuha at nakapagdala ng baril ang isang menor-de-edad sa loob ng paaralan.
Nagpaabot din ang Pangulo ng pakikiramay sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay at tiniyak na matatanggap ng mga nasugatan ang kinakailangang gamutan at tulong.
Aniya, ito na ang ikatlong insidente ng nakamamatay na pamamaril sa paaralan sa loob lamang ng nakalipas na tatlong buwan, kasunod ng mga naunang insidente sa Tacloban at Zamboanga.
“Ito na ang ikatlong nakamamatay na pamamaril sa paaralan sa loob lamang ng tatlong buwan. Matapos ang mga insidente sa Tacloban at Zamboanga, inutusan ko na ang ating mga ahensya na palakasin ang seguridad sa mga paaralan at gawin ang lahat ng kinakailangan upang maiwasan ang muling paglitaw ng ganitong trahedya,"diin niya.





Comments