top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Ika-77 kaarawan ni Pangulong Duterte

BULGAR
Mar 30, 2022
4 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | March 30, 2022


Noong nakaraang Lunes, Marso 28 ay nagdiwang ng ika-77 kaarawan si Pangulong Rodrigo Duterte, hindi ito kasing garbo ng tulad ng inaasahan ngunit bakas sa mukha ng Pangulo ang kasiyahan sa piling ng kanyang pamilya sa isinagawang pagtitipon sa Davao City.


Sa dami ng naglabasang pahayag ng Pangulo hinggil sa kanyang nararamdaman ngayong sinapit na niya ang ika-77 kaarawan ay tumatak sa aking isipan ang sinabi niyang, “Wala na akong ibang mahihiling pa, fulfilled na ako sa lahat at tapos na ang trabaho ko”.


Maiksi ngunit tagos sa puso ang pahayag na ito ng Pangulo dahil hindi lahat ng nanungkulan sa ating bansa bilang Pangulo ay narating ang kanyang mga ginawa sa ating bansa para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino.


Hindi matatawaran ang achievements ng Pangulo sa infrastructure development, maayos na COVID-19 response at economic recovery sa kabila na ang ating bansa ay kumakaharap sa iba’t ibang pagsubok partikular sa panahon ng pandemya.


Ilang buwan na lamang ang nalalabi at bababa na ng puwesto si Pangulong Duterte ngunit patuloy pa rin ang pagsulong nito sa iba’t ibang government agencies na tutukan ang kanyang ‘Build, Build, Build’ program na nagresulta ng pagkakaroon natin ng mga bagong expressway, airport, seaport, bridges at iba pang proyekto.


Hindi rin matatawaran ang pagsisikap nito sa anti-illegal drug campaign na umani ng papuri sa ating mga kababayan at umani rin ng mga pagpuna, lalo sa mga kalaban sa pulitika ngunit buo ang paninindigan ng Pangulo na mapababa ang krimen at masiguro ang kaligtasan ng bawat Pilipino.


Marami ring karagdagang batas ang kanyang nilagdaan sa panahon ng kanyang panunungkulan tulad ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (Create) Act, Bureau of Fire Protection (BFP) Modernization Act, Anti-Terrorism Law at maging ang Mental Health Law.


Kabilang din sa pamana ng Pangulo ang One-Stop Service Center for OFWs, Overseas Filipino Bank (OF Bank), OFW Hospital, programa nito na Balik-Probinsiya at higit sa lahat ay ang salary increase para sa mga kaanib ng pulis at sundalo sa bansa.


Hindi rin makakalimutan ang pagpapatupad ng passport na mayroon ng sampung taong bisa na tulad din ng driver’s license ay may sampung taon ang validity para sa mga magre-renew na walang mabigat na nagawang paglabag.


Nabigyan ng administrasyong Duterte ang mga tao ng libreng WiFi at disenteng pabahay para sa mga mahihirap nating kababayan partikular sa Marawi at ang rehabilitasyon ng Boracay at Manila Bay umagaw din ng pansin sa ating mga kababayan.


Lalong hindi natin malilimutan kung bakit sa kabila ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa maraming bansa ay nananatiling nasa mababang Alert Level tayo sa kasalukuyan at nagsisimula na tayong bumangon at unti-unti nang nakakabangon ang ekonomiya sa kabila ng epekto ng hidwaan ng Russia at Ukraine.


Bahagi ito ng implementasyon ng COVID-19 biosurveillance program at pagpupundar ng COVID-19 polymerase chain reaction (PCR) laboratories na umabot na ng 64 porsyento sa iba’t ibang bahagi ng bansa kung saan ang testing capacity ay tumaas ng mahigit sa 80,000 tests araw-araw noong kasagsagan ng pandemya.


Pinalawak din ang One Hospital Command Center at pinalakas ang workforce na umabot ng 217 ang personnel na naging dahilan para makayanan ang libu-libong tawag at mabigyan agad ng tugon ang mga nahawa sa COVID-19.


Umabot sa P635.81 milyong halaga ng COVID-19 sickness services, maging severe, critical, mild o moderate cases sa tulong ng Universal Healthcare Law na nilagdaan ng Pangulo noong taong 2019.


Tagumpay din ang vaccination program laban sa COVID-19 dahil mabilis itong naisakatuparan at milyun-milyong kababayan natin ang nabigyan ng proteksyon at hanggang sa kasalukuyan ay tuloy pa rin ang pagbabakuna.


Upang mabigyan ng proteksyon ang kapakanan ng migrant workers sa kasagsagan ng pandemya, ang Department of Foreign Affairs (DFA) at ang Department of Labor (DOLE) ay nagtulong na mapauwi ang may 872,861 OFWs hanggang nitong nakaraang Enero 4, 2022.


Ang RA 11509 o ang Doktor Para sa Bayan Act ay nilagdaan din ng Pangulo noong Disyembre 23, 2021, maging ang programa na Medical Scholarship and Return Services (MSRS) ay naipatupad para sa mga kuwalipikadong estudyante sa mga state universities at kolehiyo sa mga rehiyon na walang medical courses.


Ilan lang ito sa napakarami pang accomplishments ng Pangulo na malaking patunay na talagang nagtrabaho siya nang husto at walang sinayang na sandali para magbigay ng serbisyo at mapaunlad ang ating bansa.


Simula ng kanyang panunungkulan ay palaging mataas ang kanyang trust rating at sa pinakahuling awareness and top performance ratings of top national officials na inilabas ng Pulse Asia ay nakakuha si Pangulong Duterte ng 72 approval ratings na pinakamataas sa kasaysayan ng mga naging pangulo ng bansa.


Mahirap nang tibagin ang pinatunayan ni Pangulong Duterte na ilang panahon na lamang ay bababa na sa puwesto ngunit mataas pa rin ang nakukuha nitong trust ratings at wala pang nakakagawa ng ganyan.


Kahit sa kanyang wish sa kanyang kaarawan ay nais lamang umano niya na magkaroon ng malinis at mapayapang halalan na hanggang sa huli ay bayan pa rin ang kanyang prayoridad.


Mahal na Pangulo, Happy Birthday po!


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page