top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Ika-100 na Malasakit Center: patunay ng patuloy na serbisyo para sa lahat ng Pilipino

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 5, 2021
  • 3 min read

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | February 5, 2021



Sa pagbukas ng ika-100 na Malasakit Center sa bansa sa Research Institute for Tropical Medicine sa Muntinlupa City noong Martes, February 2, unti-unti nang natutupad ang matagal na nating pinapangarap na magkaroon nang maayos na serbisyong medikal ang bawat Pilipino, lalo na ang mahihirap.


Parang kailan lang nang itinatag ang pinakaunang Malasakit Center sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu, February 12, 2018 noong Special Assistant to the President pa lamang tayo. Ngayon, 100 Malasakit Centers na ang nasa iba’t ibang parte ng bansa—54 sa Luzon, 22 sa Visayas at 24 sa Mindanao. Sa loob ng tatlong taon, higit 1.8 milyong Pilipino na rin ang natulungan ng mga ito.


Sa tulong ng ating mga kasamahan sa lehislatibo at pati rin ang buong Administrasyong Duterte ay naisakatuparan natin ang adhikaing ito, naging ganap na batas na ang Malasakit Centers Act noong December 2, 2019.


Hindi na kailangan pang lumabas ng ospital at umikot o pumila sa iba’t ibang opisina ang mga Pilipino para makakuha lang ng tulong medical mula sa gobyerno. Nasa iisang kuwarto na ang mga tauhan ng Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Philippine Charity Sweepstakes Office, at PhilHealth upang makapagbigay ng agarang medical assistance sa mga kababayan nating kailangan ng tulong pampagamot o pambili ng gamot.


Bagama’t tayo ay nagagalak sa tagumpay na ito, hindi nagtatapos dito ang ating misyon. Patuloy tayong magbubukas ng Malasakit Center sa lahat ng ospital na pinatatakbo ng DOH at iba pang pampublikong ospital na nais magkaroon nito.


Naniniwala tayong karapatan ng bawat tao na magkaroon ng maayos na kalusugan kung kaya’t sinisikap nating maibigay ang magandang serbisyo.


Mula January 29 hanggang February 4, tinulungan natin ang iba’t ibang sektor na naapektuhan ng pandemya. Umabot sa 193 na public market vendors, magsasaka at traysikad drivers ang inabutan natin ng tulong sa Gingoog City, Misamis Oriental. May 1,516 TODA members rin ang binigyan natin ng tulong noong bumisita ako mismo sa Bgy. Batasan Hills at Bgy. Payatas sa Quezon City. Binigyan din natin ng assistance ang mahigit isang libong frontliners at mga pasyente ng RITM nang magbukas doon ang ika-100 na Malasakit Center.


Inabutan din natin ng tulong ang mga nasalanta ng Bagyong Vicky sa iba’t ibang parte ng Mindanao tulad ng 3,041 beneficiaries sa Barobo sa Surigao del Sur na aking personal na binisita, 852 beneficiaries sa Butuan City sa Agusan del Norte, 293 beneficiaries naman sa Bayugan City at 3,641 beneficiaries sa Esperanza sa Agusan del Sur.


Umabot din sa 1,597 katao mula sa Casiguran at Pilar sa Sorsogon na apektado ng Typhoon Tisoy ang tinulungan. Tuloy-tuloy pa rin ang paghahatid ng tulong ng aking opisina sa mga nabiktima ng bagyo sa Marikina City at pati rin sa Bikol kung saan plano nating bumisita sa Albay at Masbate ngayon at sa susunod na mga araw.


Mayroong 348 katao rin na naapektuhan ng Carmen Copper landslide victims sa Toledo City sa Cebu, 101 na whirlwind victims sa Tudela, Misamis Occidental, 1,018 flash flood victims sa Sara sa Iloilo, 224 flash flood victims sa Muntinlupa City na aking personal na binisita, 15 na pamilyang nasunugan sa Santa Ana sa Manila at 8 pamilyang nasunugan sa Caloocan City ang ating natulungan.


Nabigyan natin sila ng food packs, masks, face shields, vitamins at medisina. Namahagi rin tayo ng bisikleta, computer tablets at sapatos sa mga piling benepisaryo. Naroon din ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para magbigay ng hiwalay na tulong base sa kanilang mga pangangailangan.


Ito ang serbisyong totoo mula sa inyong lingkod at sa gobyernong palaging nagmamalasakit sa inyo. Hangad natin ang kaayusan ng estado ng bawat Pilipino lalo na pagdating sa kalusugan. Hangad din nating matulungan at maprotektahan ang inyong buhay at kapakanan.


Kaya sana, patuloy tayong magkaisa at magbayanihan.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page