Iisang partido ang dapat ihalal para walang away!
ni Ka Ambo - @Bistado | November 30, 2021
MAHALAGANG makapili ng matitinong opisyal ang mga botante sa Mayo.
Kapag kasi nagkamali, mamamayan ang maparurusahan!
◘◘◘
KAILANGAN ding mula sa iisang partido ang inihahalal upang hindi mag-away-away.
Madidiskaril kasi ang operasyon ng gobyerno kapag palaging may giyera-patani sa konseho!
◘◘◘
PUWEDE bang ipatupad ang nakabinbing resolusyon kahit hindi pinagtitibay ng mayorya ng Sangguniang Panlalawigan?
‘Yan ang isyu ngayon sa lalawigan ng Quezon!
◘◘◘
NAGBABALA ang siyam na miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon na kakasuhan ng plunder si Quezon Gov. Danilo Suarez at iba pang opisyal kapag itinuloy ang implementasyon ng 2021 Annual Budget ng probinsiya.
Isang lokal na krisis ito!
◘◘◘
NILINAW ni Board member Sonny Ubana, Majority Leader, itutuloy nila ang kaso kung ipipilit ng gobernador na magamit ang pondo nang hindi pa nareresolba sa hukuman ang usapin.
Hindi pa kasi inaprubahan ng mayorya ng konseho ang panukalang 2021 Annual Budget ng lalawigan dahil sa pagiging depektibo at kuwestiyunable umano!
◘◘◘
GAYUNMAN, kamakailan ay inaprubahan din ito ng apat na mga bokal na bumubuo ng Minority Bloc sa special session matapos masuspinde ng DILG ang walong bokal ng konseho.
Dahil dito, idinulog sa korte at kinuwestiyon ang umano’y ilegal na special session at ilegal na pag-aapruba ng mga ito sa annual budget para sa 2021 at 2022!
◘◘◘
PERO, giit ni Suarez, legal ang ginawa ng minorya ng konseho at inanunsiyo na itutuloy ang paggamit sa pondo.
Dapat maglabas ng malinaw na direktiba ang DILG hinggil sa isyung ito para sa ikabubuti ng lalawigan!





Comments