top of page

Ibinulgar sa Maid in Malacañang movie… TITA CORY, NAGMA-MAHJONG KASAMA NG MGA MADRE

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 31, 2022
  • 2 min read

ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | July 31, 2022




Iisa ang tanong ng mga nakausap namin kung totoo bang nagma-mahjong ang dating presidente ng Pilipinas na si Gng. Corazon Cojuangco-Aquino kasama ang mga madre noong tinawagan siya ng taong English speaking na maysakit si ex-President Ferdinand Marcos, Sr. at gusto na nitong umuwi ng Ilocos Norte kasama ang buong pamilya.


Ito kasi ang huling eksena sa pelikulang Maid in Malacañang na ginanap ang advance screening sa SM The Block nitong Biyernes na dinaluhan ng buong cast at mga producers ng pelikula kasama ang creative consultant na si Senadora Imee Marcos.


Ito ang naging palaisipan ng marami, kasi nga, hindi naman ito pumutok sa media nu'ng mga panahong paalis na ng bansa si Apo Marcos.


Bilang manonood ay ramdam mo ang mga pinagdaanang stress ng buong pamilya kasama na ang kanilang household sa last three days nila sa Malacañang Palace. Oo nga, sino ba ang makapagsasabi kung ano ang mga nangyari sa loob kundi sila-sila lang din?


Ngayon lang namin ito babanggitin na ang tiyuhin namin ay isa sa mga loyal PSG ng pamilya Marcos at na-assign siya kay Gng. Irene Marcos-Araneta noong dalaga pa, pero nalipat kay Sen. Imee kaya kahit paano ay may alam kami kung ano ang mga nangyari sa first family during that time.


Kung ano ang ipinakita sa pelikula, kung gaano kabait at maalalahanin sa buong staff at empleyado ang Marcos family ay totoo lahat, lalo na si Apo Marcos na ayaw niya ng gulo at masyadong tiwala sa tao.


Pero hindi namin alam na ganu’n pala kaingay si Senadora Imee na ginampanan ni Cristine Reyes dahil ang kuwento ng tiyuhin namin ay prangka, istrikta with a heart at OC (obsessive compulsive) ang kanyang lady boss at wala namang sinabing ‘maingay.’


Totoong paborito si Senadora Imee ng kanyang ama dahil matalino ito at pinagkakatiwalaan sa mga desisyon nito.


Anyway, para sa amin ay okay sana ang acting ni Cristine, naingayan lang kami dahil matinis ang boses niya o baka sinadyang i-OA na lang ni Direk Darryl Yap?


Nagulat kami kay Kiko Estrada dahil tatay na tatay na ang hitsura o baka sadyang nagpataba dahil nga tatay ang role niya.


Si Kyle Avelino naman ay okay lang since hindi rin namin gaanong kilala ang karakter na ginampanan niya dahil hindi namin siya napag-usapan ng tiyuhin namin, pero si Gng. Irene ay tahimik at masunuring anak.


Si Presidente Bongbong Marcos, Jr. ay hindi na kailangang ikuwento pa kung sino at ano siya noong bagets pa dahil ipinakita naman sa pelikula.


Nagkabiruan pa ang ilang katoto kung nagpalit ng uniporme si P-BBM noong huling tatlong araw dahil iisa ang suot niya, ha, ha, ha!


Mapapanood na ang Maid in Malacañang simula sa Agosto 3 sa mga sinehan handog ng Viva Films mula sa direksiyon ni Darryl Yap.


Kasama rin sa pelikula sina Cesar Montano, Ruffa Gutierrez, Ella Cruz, Karla Estrada, Beverly Salviejo, Elizabeth Oropesa at marami pang iba.


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page