IBINULGAR NI SEN. TITO: LAHAT NG TAGA-EB!, PINAGRE-RESIGN NI MAYOR BULLET
- BULGAR
- Apr 28, 2023
- 2 min read
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | April 28, 2023

Sa latest interview kay Sen. Tito Sotto ni Nelson Canlas ng GMA-7, nabanggit ng TV host-senator na labis niyang ikinagulat ang paglabas ni Mayor Bullet Jalosjos at pagpapa-interview kay Boy Abunda.
Akala ni Sen. Tito, dahil status quo (meaning, pinananatili sa dating lagay ang isang sitwasyon) ang kanilang naging agreement para sa Eat... Bulaga!, walang sinuman sa dalawang panig ang magsasalita sa publiko at kanilang aayusin ang mga internal problems ng noontime show.
Pero, tila hindi sinunod sa halip ay binali ni Mayor Bullet ang nasabing agreement nang magpa-interview sa programa ng King of Talk na Fast Talk with Boy Abunda.
Sa halip na malinawan ang maraming isyu ng EB! ay lalo pang naging magulo ang lahat.
Pinanindigan kasi ni Mayor Bullet, Chief Financial Officer ng TAPE, Inc., ang pagsasabing walang financial problem ang noontime show.
Samantala, dismayado naman si Sen. Tito sapagkat hindi nasagot at nabigyang-linaw ni Mayor Bullet ang mga isyu ng EB!.
Hindi nito binanggit na gustong alisin at palitan ng mga board members ng TAPE, Inc. ang head writer ng EB! sa loob ng 30 years. Ang naturang head writer ang nag-iisip ng mga magagandang segments ng noontime show tulad ng Pinoy Henyo, Sugod Bahay, All for One... One for All at marami pang iba.
Sinabi rin ni Sen. Tito sa ginanap na general assembly na dinaluhan ng lahat ng staff at mga taong nagtatrabaho sa EB! na pinagre-resign na ang lahat.
Pero, pinangakuan naman daw ang mga ito na muli silang tatanggapin ng kumpanya kapag okay na ang sitwasyon. Ang kondisyon nga lang ay may bawas na ang talent fee o suweldo nila at talagang tinutulan naman ito ng nakararami.
Nabanggit din ni Tito na naglabas ang EB! ng financial report noong taong 2022 na may P230 milyong kinita ang TAPE, Inc., plus P40 M mula sa mga political ads ng mga kumandidatong pulitiko.
Labis na ipinagtataka nina Sen. Tito, Vic Sotto at Joey de Leon ang naging statement ni Mayor Bullet na nalulugi ang EB! kaya kailangan nilang magkaroon ng cost-cutting.
Tanong ni Sen. Tito, saan napunta ang kinita ng EB! noong taong 2022 at bakit hindi nila mabayaran ang utang kina Vic at Joey na P60 M in total?
Isa pang ibinunyag ni Sen. Tito, pinapatanggal na raw sa EB! si Ryzza Mae Dizon upang palitan ng isang bagong child star na hindi pa kilala. For sure, hindi papayag ang TVJ dito.





Comments