IBINULGAR NI ANDREW: DONITA, WALANG TALENT, PASADO SA THAT'S
ni Nitz Miralles - @Bida | June 24, 2022

Nakakatawa ang kuwento ni Andrew E. sa interview sa kanya ni Toni Gonzaga sa online show nitong Toni Talks sa pag-o-audition niya sa That’s Entertainment ni German Moreno, kaya lang ay na-reject siya.
Naalala ni Andrew na kasabay niyang nag-audition si Donita Rose at ito raw ay natanggap pero siya ay hindi.
Pinabigyan daw siya ni Kuya Germs ng microphone at tinanong kung kumakanta siya, sumasayaw o umaakting at puro “Hindi po” ang kanyang sagot. Honest lang daw siya na hindi siya marunong kumanta, sumayaw at umarte. Nakiusap siya na ipapakita na lang niya ang talent niya sa pagra-rap.
“Puwede kong sabihin sa kanya kung ano ang rap, pero hindi rin niya alam. Kasi very secluded pa that time ‘yung word na ‘yun na rap. 'Okay. Thank you. Next!' ang sabi ni Kuya Germs. Sabi ko, 'Hindi pa ako tapos.' 'Hindi. Hindi. Okay na.' Kasi hindi ako kumakanta, hindi ako sumasayaw. Ano ‘yung pinagsasabi ko? Ibig sabihin, hindi n’ya maintindihan,” pagbabalik-tanaw ni Andrew E.
Ikinuwento ni Andrew na kasunod niya, tinawag ni Kuya Germs si Donita at tinanong ng mga itinanong din sa kanya at puro “No” rin ang sagot nito. Gayunman, tanggap ito.
“Shocked ako. Sabi ko, walang talent... pero nakapasa. Ikinuwento ko ‘yan kay Donita, tawa siya nang tawa. Sabi n’ya, 'I do remember you. Ikaw ‘yung maitim doon sa tabi ko,'” dagdag na kuwento ni Andrew E.
Hindi na naikuwento ni Andrew kung nagkita sila ni Kuya Germs noong sumikat na siya at kung ano ang sinabi nito sa kanya.
Sikat na sikat si Andrew ngayon, lalo na pagkatapos ng eleksiyon dahil malaki ang naging papel niya sa pagkakapanalo nina Vice-President-elect Sara Duterte at President-elect Bongbong Marcos.





Comments