top of page

Ibinulgar, Claudine, sinaktan, kinaladkad, ni-rape, ninakawan… SATANAS SI RAYMART — INDAY

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 4 hours ago
  • 3 min read

ni Janiz Navida @Showbiz Special | October 21, 2025



SPECIAL - SATANAS SI RAYMART - INDAY_FB Raymond Santiago_Ogie Diaz Inspires

Photo: FB Raymond Santiago / Ogie Diaz Inspires



Parang sleeping dragon na biglang nagising mula sa matagal na pananahimik ang Barretto matriarch na si Mrs. Inday Barretto sa dami ng mga pinakawalan nitong akusasyon laban sa dati niyang manugang na si Raymart Santiago.


Sa edad na 89, nagulat kami na napakatalas pa rin ng memory ng ina nina Gretchen, Marjorie at Claudine Barretto na isa-isang idinetalye sa YouTube vlog ni kapatid na Ogie Diaz na Ogie Diaz Inspires ang mga nalalaman niya tungkol sa pinagdaanan ng bunsong si Claudine sa kamay ng estranged hubby nitong si Raymart Santiago.


Inumpisahan ni Mommy Inday ang kanyang kuwento kung paano unang humarap sa kanila ng yumao nang asawa na si Mr. Miguel Barretto ang aktor na si Raymart nang mag-propose ito ng kasal kay Claudine noon.


Unang pagkakilala raw nila kay Raymart ay gentleman at mabait ito, at nangako pa ang aktor sa Daddy Miguel ni Claudine na “Aalagaan ko po s’ya, ‘di ko s’ya sasaktan.”

Pero nagbago raw ang lahat nu'ng mag-asawa na sina Claudine at Raymart at anak na nila si Santino.


Ikinuwento ni Mommy Inday kung paanong ilang beses tumatawag sa kanila si Claudine at nagpapasaklolo dahil sinasaktan daw ito ni Raymart nu'ng panahong mag-asawa pa ang dalawa.


Pero kapag dumarating naman daw sila sa bahay ng mag-asawa ay tahimik na ang mga ito, at one time, napansin daw nilang parang Dracula at zombie lang si Claudine na parang wala sa sarili.


Dito nga naikuwento ni Mommy Inday ang paggamit umano ng “injection” ni Claudine na nakapagpabago sa ikinikilos ng kanyang anak, dahilan para ipagamot pa nila ito sa Thailand.


Isa pang incident na nabanggit ni Mommy Inday ay kung paano diumano kinaladkad ni Raymart si Claudine na parang kinatay na baboy sa kanilang garahe nang minsang mag-away ang mag-asawa na muntik na rin daw ikaatake sa puso ng ama ng aktres.


Inakusahan din ni Mommy Inday na “ni-rape” ni Raymart si Claudine sa harap ng pilay nilang masahista at nakita diumano ito ng 4-year-old nilang anak na si Santino.


Pero ang hindi talaga na-take ng ina ni Claudine ay ang diumano'y pagkawala o pagkaubos ng savings sa bangko ng aktres na ang inaakusahan niyang kumuha ay si Raymart dahil nakabili umano ito ng kung anu-anong luho tulad ng milyones na bike, sasakyan, drone, etc..


At ang recent incident nga na nagtulak kay Mommy Inday na magsalita na para ipagtanggol si Claudine ay ang diumano'y pakiusap ng aktres sa estranged hubby na pirmahan ang papeles para sa ibinentang property ni Claudine sa Greenfields.


Nabili raw ito ni Claudine na sa kanya lang nakapangalan ang title pero dahil mag-asawa sila ni Raymart, naging conjugal ‘yun kaya nang ibenta ni Claudine, hindi mailipat sa name ng buyer ang titulo hangga't wala ang pirma ni Raymart.


Nakiusap na raw si Claudine kay Raymart na para ‘yun sa pag-aaral at kinabukasan ng kanilang mga anak, pero hindi pa rin pinirmahan ng aktor.


Dito na nga nadamay pati ang pangalan ni Jodi Santamaria na karelasyon ngayon ni Raymart, dahil ayon kay Mommy Inday, ang aktres umano ang pumigil kay Raymart na pirmahan ang naturang papeles.


Ibinulgar din ni Mommy Inday na nagpapatayo na ng bahay ngayon sina Raymart at Jodi, kasabay ng babala sa aktres tungkol sa pagkatao ng aktor base na rin daw sa mga ginawa nito kay Claudine.


At sa lahat nga ng sinabi ni Mommy Inday, ang pinakamabigat na itinawag niya sa dating manugang ay “Akala mo gentleman, mabait, Satanas pala siya.”


Well, nakaabot na sa kampo ni Raymart Santiago ang maaanghang na pasabog ni Mrs. Inday Barretto at napanood din mismo ng aktor ang naturang panayam ni Mommy Inday. At sa pamamagitan ng lawyer ng aktor na si Atty. Howard Calleja, naglabas ito ng official statement na ipinapaalala kay Claudine at sa pamilya nito na may inilabas nang gag order ang Family Court Branch 5 ng Mandaluyong City kung saan nagkasundo ang dalawang panig na walang dapat magsalita tungkol sa isyu maliban sa loob lang ng hukuman.


Maaaring alam naman ito ni Mommy Inday ngunit ang katwiran nga nito, matanda na siya pero hindi niya kayang manahimik na lang na nakaupo sa kanyang wheelchair habang pinagmamasdan ang pinagdaraanan ng bunsong anak na si Claudine dahil sa mga ginagawa rito ni Raymart Santiago.


Sa ngayon, ang dasal naman namin para sa estranged couple, maayos nila ang problema sa legal na paraan para na rin sa ikatatahimik nilang pareho at para na rin sa kapakanan ng kanilang anak na si Santino.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page