IBINUKING NI SEN. TITO: P60 M, UTANG NG PRODUCER NG EAT BULAGA KINA VIC AT JOEY
- BULGAR
- Apr 27, 2023
- 2 min read
ni Beth Gelena @Bulgary Files | April 27, 2023

Nagsalita na ang dating Senate President na si Tito Sotto sa kumakalat na isyu tungkol sa diumano'y utang na talent fee ng Eat… Bulaga! producers na TAPE, Inc. kina Vic Sotto at Joey de Leon.
Nilinaw ni Sen. Tito ang balita at kung hindi raw siya nagkakamali ay nasa P30 million each pa ang hindi nababayarang talent fee nina Vic at Joey.
Sinabi rin nito na may balak nang magpa-presscon si Vic, pero pinipigilan lang daw ito.
Pinili na ni Sen. Tito na magsalita dahil sa naging pahayag ni Mayor Bullet Jalosjos, Chief Finance Executive ng TAPE, Inc., na wala umanong pagkakautang ang kumpanya sa tatlong original hosts ng EB!.
"Sabi niya, wala raw utang ang TAPE kay Vic at kay Joey. Hindi totoo 'yun! Malaki ang utang. They owe a big sum of money to Vic and Joey na parehong 'ika nga, eh, sa suweldo nila 'yun at sa mga dapat nilang tanggapin.
"Malaki ang utang nila. If I'm not mistaken, P30 million each ang kakulangan. Meron pang iba na mga kakulangan."
Binanggit din ng dating senador na hindi nag-resign si Tony Tuviera kundi pinag-resign.
Aniya pa sa interview, ang TAPE ay isang production company, sila ang producer ng nasabing noontime show simula pa noong taong 1981.
Pero taong 1979 umano unang ipinalabas sa TV ang EB! na produced ng ibang producer.
Nang maubusan na raw ito ng budget, saka pumasok ang TAPE, at ito raw ay noong taong 1981 na, apat na taon pagkatapos magsimulang umere ng programa.
At kung gugustuhin daw nilang ilipat sa ibang istasyon ang nasabing noontime show ay posible at puwede naman dahil may copyright na rin ito.
Dagdag pa nito, si Joey daw ang nakaisip ng pangalang Eat... Bulaga! habang ang theme song naman nito ay isinulat ni Vic. Naging okay naman daw 'yun kay Tony Tuviera.
Sabi pa ni Sen. Tito, sa katunayan, may kumakausap na nga raw sa kanilang mga TV networks.
Naku, hanggang kelan kaya matatapos ang isyu sa Eat… Bulaga!?





Comments