Ibinuking ni Ogie… MGA ARTISTANG NAG-EENDORSO NG ONLINE GAMBLING, ‘DI NAGLALARO
- BULGAR

- 1 day ago
- 3 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | July 23, 2026

Photo: IG _ogie_diaz
Karamihan sa mga kilalang personalidad ay endorser ng online gambling na nagsimula two years ago at ngayon lang naging trending dahil ipinagbabawal na ng gobyerno ang promo at advertisement.
Ang online gambling ang naging solusyon ng ilang negosyante para sa mga kliyenteng hindi physically nakakapunta sa mga casino. At dahil dumami ito, naalarma ang gobyerno dahil maraming na-addict na naging dahilan ng pagkasira ng buhay ng karamihan.
Katuwang ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at mga digital platforms, ipinagbawal na rin ang mga promosyon na ginagawa ng mga social media influencers, celebrities, at vloggers na nag-a-advertise ng mga online gambling platforms.
Kaya ang ilang celebrities at social media influencers ay binabanatan ngayon ng mga netizens dahil sa endorsements nila.
Isa ang content creator-host na si Ogie Diaz sa mga umaming naging endorser din siya for a while, pero itinigil na niya dahil una sa lahat, hindi naman daw siya naglalaro kaya nahihiya siya sa may-ari nito.
Base sa kuwento ni Ogie sa Showbiz Update (SU) vlog kasama sina Mama Loi, Tamerlane Mopia, Ate Cora at Ate Mrena, “Sa totoo lang, ako rin naman ay nakapag-endorse rin at guilty ako r’yan (BingoPlus 2024) dahil nakapag-endorse ako once upon a time. Pero mula noon, ayoko na kasi parang ang hirap i-endorse ‘yung isang bagay na ‘di mo naman ginagawa pero ipararamdam mo sa mga tao na ginagawa mo ‘yun at nae-excite ka lagi na gawin ‘to,” sabay pakita ng larawang kasama sina Luis Manzano at Marco Gumabao para sa BingoPlus.
“Sa totoo lang, karamihan ng mga artistang kinuhang endorser, ‘di naman naglalaro, ‘di naman naka-immerse sa game,” esplika ni Ogie.
Sey ni Mama Loi, “Ang ano lang kasi, ‘Nay, dahil sa kasikatan, ang dami mong followers, in-encourage mo sila (public) to engage ru’n sa online gambling.”
Sabi pa ni Ogie, “Kaya lalong dumarami ang naghihirap na taumbayan.”
Nagkuwento pa siya na may staff ng rehabilitation center na nagsabing karamihan sa mga pasyente nila ay galing sa gambling addiction at ang kanilang mentality ay nasisira.
Aniya pa, “Kaya naman ako, personally, in-ask pa ulit ako na mag-endorse. Sabi ko, ayaw ko na kasi nakaka-guilty talaga kasi marami kang nahihikayat na naniniwala sa ‘yo na, ‘Si Ogie naman ang nag-endorse, panatag naman ang loob ko, baka manalo.’
“Puwedeng ikahirap ‘yun. Pangalawa, eh, ‘di naman talaga ako sugarol kaya ‘yun nga, naglalabasan ang mga pangalan ng celebrities o personalities na nag-e-endorse n’yan.”
At nabanggit ang mga pangalan nina Vice Ganda (GameZone), Bea Alonzo at Andrea Brillantes (Nustar), Piolo Pascual, Maine Mendoza, Kim Chiu, at Alden Richards (BingoPlus), pati na sina Bossing Vic Sotto at Heaven Peralejo (Playtime).
Tanong ni Ogie, “Bumaba ba ang tingin natin sa kanila dahil nag-endorse sila ng online gambling? Kung bumaba, choice n’yo ‘yun. Kung wala naman kayong pakialam, wala namang merito ‘yun, eh, di okay.”
Ibinigay ding halimbawa ni Ogie si Coco Martin na tumatanggi na maging ambassador ng online gambling.
“Si Coco Martin, ayaw n’yang mag-endorse. Sinabi na n’ya ‘yan, ayaw n’ya at may offers s’ya na malalaki, millions (talent fee),” diin ni Ogie.
Hindi raw nararamdaman ng mga nagsusugal dahil barya-barya lang, pero kapag pinagsama ay nagiging malaki.
“Aabutin ‘yan nang milyun-milyon, tapos ilan lang ang mananalo? Basta ang importante, ‘wag nating isumpa ‘yung mga artistang nag-e-endorse dahil napili sila at tumanggap sila ng bayad. Pero ‘yung nanghihikayat silang magsugal, that’s another story.
“Kaya nasa tao na ‘yan kung gusto mong sirain ang buhay mo. Kahit ‘di sa sugal ay kaya mong sirain!” diin ni Ogie.
MAS maraming Pilipino ang makakapanood ng local entertainment shows dahil inanunsyo ng ABS-CBN ang bago nitong primetime lineup na mapapanood sa iba’t ibang platform simula Hulyo 27.
Pangungunahan ito ng patok na action-romance drama na Coco Martin's Sigabo ng 8 PM, na pinagbibidahan nina Coco Martin at Julia Montes.
Susundan ng inaabangang pagbabalik-teleserye nina Kathryn Bernardo, James Reid at Maja Salvador sa Someone, Someday (SS) ng 8:45 PM.
Mapapanood naman ng 9:30 PM ang romantic-thriller ng TV5 na A Secret in Prague (ASIP) na pinagbibidahan nina Enrique Gil at Andrea Brillantes.
Samantala, mapapanood na rin ng Kapamilya viewers ang Book 2 ng inspirational drama ng TV5 na My Bespren Emman (MBE), na pinangungunahan nina JM De Guzman at Shaina Magdayao, tuwing hapon mula Lunes hanggang Sabado, 2:30 PM.
Masusubaybayan ang tatlong primetime shows at ang MBE sa iba’t ibang platforms sa pamamagitan ng ALLTV2, TV5, A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live sa YouTube (YT) at Facebook (FB), iWant, at TFC.





Comments