top of page

Ibinuking ng aktor… AIKO, 3 ORAS PINAGHINTAY SI ONEMIG, BINASTED NAMAN

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 hours ago
  • 4 min read

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | December 8, 2025



SHEET - AIKO, 3 ORAS PINAGHINTAY SI ONEMIG, BINASTED NAMAN_YT _aikomelendezchannel.png

Photo: File / YT _aikomelendezchannel



Malalim pala ang friendship nina QC 5th District Councilor Aiko Melendez at Onemig Bondoc dahil sa mga panahong may mga dinaanan sila sa buhay ay sila ang magkasama para damayan ang isa’t isa.


Guest ni Aiko ang heartthrob noong dekada ‘90 na negosyante na ngayon at single father sa tatlong anak.


Taong 2003 nang lisanin ni Uno ang showbiz dahil pakiramdam niya ay na-burn-out siya.

Gusto lang daw sana niyang magpahinga nu’ng una, pero nagdire-diretso na ang pagkawala niya sa showbiz.


Original member si Onemig ng programang T.G.I.S. nina Michael Flores, Angelu de Leon, Red Sternberg, Raven Villanueva, Bobby Andrews, Kim delos Santos, Rica Peralejo, Ciara Sotto, at ang second batch ay sina Dingdong Dantes, Dino Guevarra, Anne Curtis, Polo Ravales, Antoinette Taus, Jake Roxas, atbp..


May planong gumawa ng reunion movie series ang grupo kaya naitanong ni Aiko kung ka-join si Uno dahil 22 years nang hindi siya umaarte.

“I turned it down,” mabilis na sagot ng dating aktor. 


“Hindi ko kasi ma-feel na ito ‘yung tamang comeback for me at ipinagdasal ko ito kay Lord. Si Mike (Michael Flores) ang yumaya sa akin, sabi ko, ‘Tingnan ko muna.’ Nakipag-meet naman ako sa initial brainstorming. Sabi ko, ‘Sige, hindi ako nagko-commit, pero pag-iisipan ko.’ ‘Yun nga, dasal ako nang dasal pero ‘di ko ma-feel na now is the right time for a comeback,” esplika ni Uno.


“Sa ngayon, no! Pero I’m not closing my doors,” kaswal na sagot nito.

Abala raw ang dating aktor sa negosyong ipinagkatiwala ng pamilya niya at nagpaplano siyang magtayo ng sarili niya, bukod pa sa pag-aalaga sa tatlo niyang anak.


Aniya, “Sobrang hirap maging solo parent, yes, kasi lahat ikaw. Lahat ng gastos, ikaw. Buti na lang, ang parents ko, nakakatulong sa akin ‘pag minsan, pero pag-discipline sa mga anak, ikaw din. Mahirap pero kaya naman. Dalawang lalaki at panganay ang babae.


“Mas hirap ako sa lalaki kasi ‘yung girl ko, parang partner ko na, s’ya na ‘yung tumatayong mommy sa dalawa kasi 18 na s’ya. Ang pinakahirap ako talaga, ru’n sa pangalawa ko, ang daming tanong, medyo matigas ang ulo, tamad mag-aral, ganyan.”


Sa tanong kung ano’ng klaseng ama si Onemig pagdating sa pagdidisiplina sa mga anak, sagot niya, “Mix. Hindi ako puwedeng sobrang disciplinarian, baka magtago na sa akin ‘yang mga ‘yan. Gusto ko lahat, nalalaman ko pa rin, parang barkada, pero alam nila na ako pa rin ‘yung dad nila, alam nila kung hanggang saan lang sila.”


Tinanong ni Aiko kung ano’ng project ang makakapagpabalik kay Onemig sa showbiz at sagot ng aktor, “Kasama ka siguro,” kaya nagkatawanan ang dalawa. 


‘Pag si Aiko raw ang kasama, ‘di na ito pag-iisipan ni Uno dahil never pa nga silang nagkatrabaho.


“Oo nga, ako lang ‘yung hindi mo naka-work pero lumalabas tayo dati. Oo nga, ‘noh?” sambit ng konsehala.


Hirit ni Uno, “Nagba-bar hopping pa tayo, ‘di ba? So, siguro, ‘pag may project na magkasama tayo, siguro, ‘di ko na pag-iisipan ‘yun. I’ll make a comeback, ‘yun nga ‘yung tama.”


Tinanong ni Aiko kung may love life ngayon ang dating aktor.

“Yeah, I’m single right now. Paano ko ba sasabihin… yeah, single,” saad nito.


Sa vlog ni Aiko ay may game na Sagot o Lagok na kapag hindi nasagot ang tanong, si Uno ang iinom ng soju (Korean vodka) at ‘pag nasagot naman, ang host ang iinom.


Tanong ni Aiko, kung lulubog ang bangka, sino sa mga ex-dyowa ni Uno na sina Ciara Sotto, Angelu de Leon, Sheree at China Cojuangco ang sasagipin nito?


“Puwede bang wala akong piliin, sagipin ko na lang sarili ko?” sagot nito kaagad.

Tumatawang sabi ni Aiko, “Masyadong selfish.” 


Birong sabi ng aktres, “Ire-rephrase ko na lang. Meron ka bang ex na gusto mong balikan if given a chance? ‘Wag mo na lang sagutin, uminom ka na lang.”

“Sa lahat ng mga ‘yun? Si China siguro,” sagot ni Uno.


Si China raw kasi ang pinakamatagal niyang nakarelasyon at malalim ito, kaya ito ang naisip niya. Pero wala naman siyang ibang ibig sabihin dahil alam niyang masaya na ito ngayon sa pamilya nito.


Sa tanong kung sino’ng celebrity ang niligawan ng dating aktor pero binasted siya, sagot ni Uno, “Sasagutin ko rin ‘yan. Hinintay ko nga s’ya sa Subic dati, 3 hours ako naghintay…” kaya hinampas siya ni Aiko.


Dugtong ni Onemig, “Teka! seryoso, I was waiting for 3 hours and my friends didn’t know na I was waiting for someone.”


Nagtakip ng mukha si Aiko na tumatawa.


“So, ‘di sumipot. I guess, basted ako,” pagtatapat ni Onemig.


Tawang-tawa si Aiko at halatang tensiyonada.

“‘Di ba, sabi mo, dapat maging honest dito?” ani Uno. 


Tanong ni Uno, “Teka, sino’ng celebrity? Sabihin ko ba ang pangalan?”

Hamon ni Aiko, “Sige, kung malakas ang loob mo. Sino?” sabay-bawi rin ng “‘Wag na, please!”


“‘Wag na, baka mahulog tayo sa silya natin,” natawang sabi ni Uno.

Walang tanong na hindi sinagot ni Onemig kaya ang ending, si Aiko ang uminom nang

umabot sa 7 shots of soju.


Naikuwento ni Aiko na sa iisang condo building lang sila nakatira noon ni Onemig noong bata pa sila, edad 6. Lagi raw siyang nagsu-swimming at ilang beses silang nagkikita, pero tila hindi matandaan ng aktres-pulitiko.

Si Onemig naman ang nagtanong kung may natatandaan si Aiko na binasted nitong celebrity.


“Ewan ko sa ‘yo! Para kang ewan! Iinom na lang ako. Gusto mong sabihin ko ngayon? Grabe nag-slur na ako. First time in my YouTube (YT) channel nag-slur ako, I don’t know how to end my channel,” tawa nang tawang sabi ni Aiko.


Ang ending, umamin din si Aiko, “Sige na, cheers tayo. Ako ‘yung hindi sumipot, bahala na kayo. Cheers tayo. Sisiputin na kita sa Quezon City.”


Pagtatapos nito, “Thank you, Onemig, for the friendship. Kasi hindi nila alam na para kang si Casper na laging nand’yan sa akin.”


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page