top of page

Ibinebentang beauty products at laruan, suriin munang mabuti bago bilhin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 18, 2023
  • 4 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | December 18, 2023


Ikalawang taon na simula nang alisin ng Department of Health (DOH) ang mga restriction sa pandemya kaya mas excited ang ating mga kababayan na magparoo’t parito sa mga pamilihan bilang bahagi ng paghahanda sa darating na Pasko.


Bukod sa handang pagkain ay pinaghahandaan ng mga magulang, tito at tita na maibili ng laruan ang kanilang mga anak, pamangkin at ganoon din ang mga ninong at ninang na kailangang magbigay ng regalo sa kani-kanilang mga inaanak.


Sa mga empleyado naman ay kabi-kabila ang mga dadaluhang Christmas party at kaakibat nito ang bitbit na regalo kaya lahat ay obligado ring bumili ng kani-kanilang pang-exchange gift at pangregalo sa kani-kanilang monito o monita.


Kaya naman ilang buwan bago mag-Disyembre ay naglipana na sa mga pamilihan ang iba’t ibang klase ng pangregalo kasama na ang mga laruan na nakaeengganyong bilhin dahil napakamura ngunit hindi tayo nakasisiguro kung ang mga ito ay ligtas.


Nasa gitna ngayon nang pagba-budget ang ating mga kababayan na tumanggap ng 13th month pay at iba pang bonus mula sa kani-kanilang pinagtatrabahuhan at sa rami ng mga gastusin ay hindi maiiwasang maengganyong bumili ng mga tila hindi safe na pangregalo.


Matanda man o bata ay hindi ligtas sa mga nakalalasong produkto at dapat tayong maghinay-hinay sa pagbili ng laruan dahil kagagaling lang sa pagdurusa ng mga bata sanhi ng nagdaang pandemya tapos ay mabibigyan pa ng laruang delikado sa kanilang kalusugan na tiyak na hindi man natin sinasadya ay magdudulot ito ng kapahamakan.


Masyado tayong abala at hindi natin napagtutuunan ng pansin ang ating mga binibili ngunit nagbigay ng babala ang consumer at environmental protection group hinggil sa matinding epekto sa kalusugan ng mga bata ang mga ipinagbibiling laruan sa halip na makapagbigay ito ng saya sa kanila.


Bagama’t nakatutok sa mga bata ang mga environmental protection group ay kailangan ding paalalahanan ang mga nakatatanda dahil hindi lang laruan ang nakalalason kundi maging mga beauty product at ibang plastic product na pangregalo.


Ayon sa Laban Konsyumer, Inc. at EcoWaste Coalition, kailangang maiparating ang tamang impormasyon sa mga mamimili hinggil sa kaligtasan ng mga pekeng produkto at laruang nasa merkado lalo pa at isa ito sa pangunahing binibili ngayong Kapaskuhan.


Mas nakakiling nga lamang ang mga babala para sa mga bata dahil sa higit silang mabilis na maapektuhan kumpara sa mga nakatatanda na hindi rin naman ligtas ngunit may kakayahan nang mag-ingat.


Kailangan umano ng karagdagang pag-iingat sa pagbili ng laruan at iba pang pekeng produkto na ngayon ay bumabaha sa mga pamilihan partikular ang mga imitasyon, walang tatak at hindi rehistrado base pa sa Chemical Safety Campaigner ng EcoWaste.


Imbes na aliw ang idulot sa mga bata ng biniling laruan ay karaniwang nagtataglay ito ng nakalalasong kemikal at delikado rin sa dahilang may nasusugatan, nasasakal, naaapektuhan ang mata at tenga bukod pa sa may nabubulunan.


Hindi naman nagkukulang ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga panuntunan para sa mga legal na toymakers, distributors at retailers ngunit maraming tiwali ang nagbebenta ng laruan na hindi pasado sa quality at safety verification kabilang na ang product labelling requirements. 


Dapat umanong iwasan ng mga mamimili ang mga laruang nagtataglay ng hazardous chemicals partikular ang mga painted toys na karaniwang isinusubo o hindi sinasadyang naisusubo ng isang batang naglalaro.


Ang madalas na pagkalantad ng isang bata sa mga laruang nagtataglay ng hazardous chemicals ay nakaaapekto sa kanilang growth at development na nagreresulta pa sa lower intelligence quotient (IQ), poor school performance, reduced attention span, at anti-social behavioral.


Kaya hindi pala biro ang masamang epekto ng mga laruang naglipana lalo na sa bangketa at hindi lang ito sa Divisoria at Baclaran laganap dahil sa halos lahat ng pamilihan sa bansa ay nakikita na ang mga laruang ito na karaniwang pinipili ng mga mamimili dahil sa murang halaga.


Sa pag-iikot ng EcoWaste ay may mga laruan silang nakita na may bakas ng heavy metals tulad ng antimony, arsenic, cadmium, at chromium na wala ring product labelling information bilang pagtugon sa Republic 10620, o ang Toy and Game Safety Labeling Act.


Nakakaligtaan ding tutukan ay ang patuloy pang pagdagsa ng ‘ukay-ukay’ sa iba’t ibang bahagi ng bansa na kung dati-rati ay mga lumang damit lamang ang ibinebenta, pero ngayon bukod sa sapatos, bag at iba pang gamit ay santambak na ring laruan ang ipinagbibili ng mura.


Maliban sa segunda-manong kasangkapan ay may mga ukay-ukay business na rin na talagang ang ipinagbibili lamang ay mga pinaglumaang kagamitan kabilang na ang laruan na lulan ng container van galing sa ibang bansa na ibinabagsak sa mga retailer sa Pilipinas na halatang dumaan sa Bureau of Customs (BOC).


Bukod sa imitasyon ay kasama rin ang mga ukay-ukay na laruan na nasa merkado na natukoy na positibo sa iba pang harmful chemicals kabilang na ang polybrominated diphenyl ethers (PBDEs) na labis na nakaaapekto sa endocrine o hormone system ng mga bata.


Totoong mabuti ang recycling partikular sa mga bagay na nakaaapekto sa kalikasan ngunit hindi tama na tangkilikin ang mga recycled toys galing sa ibang bansa na kontaminado ng kung anu-anong kemikal na kalaunan ay makaaapekto sa mga bata.


Ibang usapin kung ngayon tayo mananawagan sa mga ahensya ng pamahalaan na posibleng makasawata sa mga ilegal at delikadong mga laruan na ito dahil ilang araw na lamang ay Pasko na at panahon na nang pamimili kaya tayo mismo ay dapat na mag-ingat.


Pero sakaling makarating sa tanggapan ng kinauukulan, tulad ng Department of Trade and Industry (DTI), Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensya ng pamahalaan ang problemang ito at mabagabag na agad nilang aksyunan, ay isang malaking bagay ito para sa kaligtasan ng mga bata.


Tandaan na sa pagbili ng ligtas na mga laruan ay tingnan ang rekomendadong edad sa product label at piliin ang akma sa edad ng bata, abilidad, hilig at maturity level habang tiyaking ligtas at pulido ang pagkakagawa ng laruan kahit mumurahin lamang.


Huwag bumili ng mga laruang pira-piraso o kakasya sa bibig ng isang bata upang maiwasang aksidenteng maisubo at malulon gaya ng holen, laruan na may botones at baterya, maliban na lamang kung nasa tamang edad na ang bata para sa isang partikular na laruan.


Sa mga nakatatanda naman, hindi lahat ng mura o kahawig ng orihinal na produkto ay ligtas gamitin, lalo na kung mga beauty products — tapos ipangreregalo mo baka mamaya sa halip na gumanda ang niregaluhan mo ay mas lalo pang pumangit!


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page