Ibang level dahil sumikat sa Hollywood… LEA, 'DI PUWEDENG BASTA-BASTA LAPITAN NG FANS
- BULGAR
- Jul 20, 2023
- 3 min read
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | July 20, 2023

Mixed ang reaksiyon ng ating mga kababayan sa nag-viral na video ni Lea Salonga sa social media kung saan tumanggi siyang magpa-selfie sa ilang Pinoy fans na nagpunta sa kanyang dressing room na walang pahintulot.
Kahit na public figure si Lea ay may mga boundaries pa rin daw siya, kung saan kailangang irespeto ang kanyang space at privacy.
Agree naman dito ang marami, lalo na ang mga celebrities. Pero may ilang Pinoy fans naman ang nagsasabing dapat ay pinagbigyan na ni Lea ang ilang tagahanga na gustong magpa-selfie sa kanya dahil hindi naman sila isang buong barangay.
Pero, iba nga ang panuntunan ni Lea na sumikat sa Broadway at hinangaan ang husay sa buong mundo. Ibang level na nga ang kanyang status, na puwedeng ikumpara sa mga sikat na Hollywood stars.
Hindi siya puwedeng basta-basta na lang puntahan sa kanyang dressing room para lang magpa-selfie, lalo na kung pagod na ito sa katatapos lang na pagtatanghal sa entablado.
Well, ang alam namin ay nagpapaunlak naman si Lea na makapagpa-picture sa kanya ang mga fans kapag nasa mga events ito. Siyempre, nakadepende pa rin ito sa sitwasyon at okasyon.
Pero nang dahil sa nag-viral na video ni Lea sa socmed, baka nga nabawasan na ang kanyang mga Pinoy fans abroad at hindi na siya lalapitan ng mga ito sa mga shows.

Tiyak na maraming fans ni Sef Cadayona ang malulungkot ngayong wala na siya sa Bubble Gang.
Mami-miss ng mga viewers ang kakulitan ni Sef na matagal na naging bahagi ng nasabing longest-running gag show.
Kung importante sina Paolo Contis at Betong Sumaya sa BG, ganoon din si Sef. Kuwelang-kuwela ang tandem nilang dalawa ni Kokoy de Santos kapag umaarte sila bilang mga gays o beki.
Kayang-kaya ring gayahin ni Sef ang mga karakter na ginagawa ni Michael V. dahil mahusay din ang timing niya sa mga comedy skits ng BG.
Pero dumating din siya sa puntong tinatanong niya ang sarili kung hanggang sa pagpapatawa na lang ba ang kaya niyang gawin.
Hindi na raw ma-feel ni Sef na naggo-grow siya bilang artist at ‘di na rin nahahasa ang kanyang talent.
Kaya bago pa nagbagong-bihis ang BG ay nag-decide na siyang mag-quit sa showbiz at umiba ng linya ng trabaho.
Pero, ilang GMA-7 executives ang pumigil kay Sef na mag-quit at tuluyang talikuran ang showbiz.
Kung pagod na raw siya sa comedy, puwede naman itong mag-shift sa mga seryosong roles.
At magagawa na niya ito ngayon dahil kasama siya sa mga cast ng Love Before Sunrise na pagtatambalan nina Bea Alonzo at Dennis Trillo. Hindi na magpapatawa si Sef dito dahil isa na siyang ganap na serious actor. Panibagong hamon ito sa kanyang kakayahan sa pag-arte.
Ganunpaman, hindi napigilan ni Sef na maging emosyonal sa ginawa niyang pamamaalam sa BG.
Tiyak na hahanap-hanapin nito ang mga kulitan nila sa set sa tuwing may taping.
Mahihirapan din siyang kalimutan ang buong tropa ng nasabing longest-running gag show ng GMA-7.

Siguradong marami ang mapapasigaw sa takot at suspense kapag pinanood nila ang horror movie na Mary Cherry Chua ng Viva Films na idinirek ni Roni Beanid. Ito ay pinagbibidahan nina Joko Diaz, Ashley Diaz, Kokoy de Santos, Lyca Gairanod kasama si Alma Moreno at marami pang iba.
Bukod sa nakakatakot ang mga eksena, may kakaiba ring twist ang istorya nito.
Maayos at matino ang pagkakagawa sa naturang horror movie. Magaling umarte si Ashley na anak ni Joko. For sure, inalalayan at ginabayan ni Joko ang kanyang anak sa kanilang mga eksena.
Akmang-akma ang mga sound effects na ginamit sa movie dahil nakatulong ang mga ito upang magkaroon ng ‘fear factor’ ang mga eksena. Tiyak na magugustuhan ito ng mga moviegoers na mahilig manood ng mga nakakatakot na palabas.
Marami rin ang makaka-relate sa Mary Cherry Chua, lalo na ‘yung mga mahihilig sa mga kababalaghan at mga kuwentong katatakutan, ganu'n din ‘yung mga may sixth sense o third eye.
Worth watching ang bagong horror movie ng Viva Films na Mary Cherry Chua na showing na ngayon sa mga sinehan.

Super proud mom si Konsehala Aiko Melendez sa kanyang unica hija na si Marthena Jickain dahil nag-enroll ito sa isang summer course (Law) sa University of Oxford sa England.
Kamakailan nga ay natapos nito ang nasabing short course at pursigidong maging isang ganap na lawyer.
Masaya naman si Aiko dahil pangarap din niyang magkaroon ng abogado sa kanilang pamilya.
Matalino si Marthena at seryoso sa pag-aaral. Kaya lahat ay gagawin ni Aiko upang mapag-aral sa magandang kolehiyo sa London ang kanyang unica hija.
Kahit pagod at puyat sa kanyang mga showbiz commitments, inspirado si Aiko dahil maisasakatuparan na ang pangarap niya na magkaroon ng anak na lawyer.




Comments