top of page
Search
BULGAR

Ibang klase ang energy… GARY V. INIKOT ANG MOA SA CONCERT MAKAMAYAN LANG ANG MGA FANS

ni Janiz Navida @Showbiz Special | April 29, 2024





OPENING number pa lang ng One Last Time concert ni Gary Valenciano na ginanap sa Mall of Asia Arena last Saturday night, nag-goosebumps na kami sa sobrang bongga ng production at 101% energy at performance na ibinigay ni Mr. Pure Energy.


Talaga namang tatayo ang balahibo mo na makitang opening number pa lang, standing ovation na ang mga concertgoers at sinasabayan talaga nila ang taas ng energy ni Gary V. sa pagkanta at paghataw ng Shout for Joy.


Unang special guest ni Gary V. sa second night ng One Last Time concert na napanood namin si Divine Diva Zsa Zsa Padilla. Isa si Ms. Zsashing sa very close friends at kasamahan ni Gary sa ASAP Natin ‘To. 


Bagama’t napansin naming medyo hirap na si Zsa Zsa sa pagbirit, ibinigay pa rin naman niya ang best niya sa duet nila ni Gary V.


Next special guest naman niya ang best friend niyang si Concert King Martin Nievera at nag-duet sila sa kantang Hang On.


Obyus na nabitin si Mr. Madman sa kanta nila ni Mr. Pure Energy dahil gusto pa sana nito ng another song since sa first night daw ng guesting niya sa two-night concert ay three songs ang kinanta nila together.


Natawa ang mga nanonood nang mag-one-liner si Martin na ‘yun na raw ba ‘yun? Mas matagal pa raw ang ibiniyahe niya kesa sa duet nila.


Pero dahil ang dami ngang naka-line-up na guests ni Gary V., no choice si Martin kahit gusto pa sana ng mga fans na mag-duet pa sila.


Marami rin ang bumilib nang sabayan ni Gary V. si Gloc 9 sa pagra-rap. Talentado talaga si Mr. Pure Energy at hindi mo iisiping ang dami na niyang sakit na pinagdaanan sa loob ng 40 yrs. niya sa industriya, ha?


Medyo emosyonal naman ang audience nang kantahin nina Gary at Ebe Dancel ang ‘Wag Kang Umiyak na sumikat sa serye ni Coco Martin na Ang Probinsyano.


At nagkaroon man ng technical difficulty sa part ng duet nina Gary V. at Ice Seguerra ng I Will Be There, naitawid pa rin naman nila ang naturang number.


Naaliw naman ang mga fans nang bumaba si Gary V. sa VVIP section at sumayaw sila ni Aga Muhlach na isa lang sa mga celebrities na nanood ng concert kasama ang misis na si Charlene Gonzalez.


Nakita rin naming nanood sa concert nang i-flash sa big screen sina Dra. Vicki Belo at Hayden Kho, Toni Gonzaga, Liza Diño, Jed Madela, Mark Bautista at marami pang iba.


Maemosyon din ‘yung number ni Gary V. kasama sina Darren Espanto at Jona at kinanta nila ang Sana Maulit Muli.


Marami pang songs na kinanta si Gary V. at kasama ru’n ang theme song ng Bagets movie na siya pala ang kumanta.


Pinakagusto naman naming part ‘yung bumaba ng stage si Gary at nag-ikot sa lower box section ng MOA para makamayan at malapitan ang mga fans.


Isa si Gary V. sa mga singers na gustung-gustong naaabot niya ang mga fans dahil thankful siya sa mga ito na dahilan kaya tumagal siya nang 40 yrs. sa music industry.


Hindi lahat ng singers ay ginagawa ‘yun kaya na-appreciate talaga nang bongga ng mga fans ang gesture na ito ni Mr. Pure Energy. Kung puwede lang sigurong hanggang sa general admission section ay maabot niya, gagawin niya.


Dumating din pala ang dalawang anak ni Gary V. na sina Gab at Kiana at nag-perform kasama ang dalawa pang pamangkin ni Mr. Pure Energy. Grabe ang energy ng pamilya nila, pinakyaw na, hahaha!


Hindi naman natapos ang gabi nang hindi kinakanta ni Gary V. ang ‘Di Bale na Lang at again, nagtayuan na naman ang mga fans para sabayan siya sa paghataw.


Hay, kahit pa sabihin ni Gary V. na ito na ang last major concert niya, ngayon pa lang, ang dami nang nagre-request ng “more” at “repeat” kaya tingnan na lang natin kung pagbibigyan pa ‘yan ng kanyang manager-wifey na si Tita Angeli Valenciano.


Well, kahit medyo hinihingal na si Mr. Pure Energy, masasabi naman naming nagawa niya ang One Last Time with flying colors! 


Bravooo!


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page