Ibaba ang taripa sa mga imported na baboy
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | April 18, 2021
Isa ang inyong lingkod sa 19 senators na pumirma sa Senate Resolution na humihiling kay Pangulong Rodrigo Duterte na bawiin ang Executive Order 128 na nagrerekomendang ibaba ang taripa sa mga imported na baboy.
Hindi rin tayo sang-ayon sa plano ng Department of Agriculture (DA) na taasan ang Minimum Access Volume (MAV) o ang kabuuang bilang ng pupuwedeng makapasok na imported na baboy sa bansa.
◘◘◘
Naniniwala tayong kapag ibinabaan ang taripa at pinayagang makapasok ang malaking bilang ng mga imported na baboy sa bansa ay lalong mababaon sa hirap ang ating local hog industry.
Bukod sa bababa ang makokolektang buwis ng pamahalaan mula sa taripa, mahihirapan din sumabay sa magiging presyo ng imported na baboy ang mga local hog farmers.
Dagdag pa natin ang takot ng marami sa mga local producers na hindi sila mabibigyan ng proteksiyon ng pamahalaan kung sakaling daragsa ang pork imports sa bansa.
◘◘◘
Nitong April 17 ay ipinagdiwang natin ang World Hemophilia Day.
Sa kasalukuyan, tinatayang sampung libong Pilipino ang ang may sakit na hemophilia at karamihan sa kanila ay hindi kayang tustusan ang pagpapagamot at mga karagdagang pangangailangan na dala ng sakit na ito.
Kaya naman, isinulong natin ang Senate Bill 834 na naglalayong maglatag ng standard of care para sa mga taong may bleeding disorders.
Layunin din ng batas na ito ang magpatayo ng mga treatment centers sa mga pampublikong ospital para makapagbigay ng abot-kayang pagpapagamot para sa mga nakararanas ng bleeding disorder.
Sakop ng panukalang-batas na hindi lamang ang hemophilia kundi pati ang ibang bleeding disorders tulad ng Von Willebrand Disease.
◘◘◘
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments