Iba’t ibang pasyalan sa 2022, let’s go!
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | February 25, 2022
Saglit tayong hihinga hinggil sa napakaraming aktibidades sa kasalukuyan sa ating bansa na hindi pa man tuluyang napapawi ang pandemya ay heto na naman ang eleksiyon kung saan dumaranas na naman tayo nang pagkakahati-hati.
May katagalan din na hindi nakalabas ang marami nating kababayan dahil sa pandemya at ngayong may mga pagkakataon nang ipinagkakaloob ang pamahalaan dahil sa patuloy na pagbaba na ng kaso ng COVID-19 ay minabuti nating himayin ang masasayang bagay na puwede nating gawin.
Nag-isip tayo ng 12 masasayang bagay na puwedeng gawin sa taong ito para ma-enjoy naman natin ng husto ang mga holidays sa bansa ngayong 2022 na batid naman nating may mga kababayan tayong hindi ito kaya, ngunit kahit sa pagbabasa lamang ng artikulo nating ito ay hayaan ninyong maipasyal natin ang inyong imahinasyon.
Tapos na ang Enero at patapos na rin ang Pebrero, kung saan marami sa ating mga kababayan ay nakipagdiwang ng Chinese New Year at nakigulo sa pagbili ng maraming prutas dahil sa paniniwalang magbibigay ito ng suwerte.
Mayaman o mahirap nating mga kababayan ay nakigulo sa maraming food trip sa Binondo na kahit sa mga kalye ay naglipana dulot ng okasyong taun-taong ipinagdiriwang ng mga kapatid nating Tsino, partikular sa malaking bahagi ng Chinatown.
Sa pagpasok ng Marso, isa sa magandang bisitahin ang Tagaytay, dahil sa magandang klima at mga tanawin kabilang na ang makapigil hiningang ganda ng Taal Volcano na ngayon ay kalmado at handang makipagdaupang-palad sa mga nais bumisita.
Idagdag pa ang sunud-sunod na mga kainan sa kahabaan ng kalye patungong Tagaytay na halos lahat ay nag-aalok ng mainit at masarap na bulalo kasabay ng pritong tawilis na bagay na bagay sa napakainit na kanin na masarap kainin sa malamig na panahon sa Tagaytay.
Ang Abril ay panahon ng pagninilay-nilay at ang Laguna ang isa sa pinakapopular na destinasyon tuwing Holy Week sa bansa dahil sa mga makasaysayang simbahan na itinayo sa panahon pa ng mga Espanyol, kung saan marami sa ating mga kababayan ang nagsasagawa ng Visita Iglesia.
Malapit din ito sa Metro Manila na hindi na kailangan ang maraming preparasyon at malaking budget para isagawa at sa kalendaryo ng 2022 sa ating bansa ay pumapatak ang Semana Santa mula Abril 11 hanggang 17 na ipinagdiriwang ng mga Kristiyano.
Kasunod nito ay Mayo na, na sakop pa rin ng summer kaya panahon ito nang pagbisita sa mga beach, kung saan ay naglipana ang magagandang beaches sa bansa kabilang na ang Boracay, Palawan at marami pang magagandang lugar.
Buwan ng Hunyo, ipinagdiriwang naman natin ang Philippine Independence Day kaya mabuting dalawin naman natin ang mga makasaysayang lugar, tulad ng Intramuros o kaya ay ang Aguinaldo Shrine and Museum sa Aguinaldo Freedom Park, Kawit, Cavite na isa sa most iconic at historic landmarks sa bansa.
Maaari naman tayong mag-aral ng surfing sa Hulyo dahil malapit din sa Metro Manila ang Zambales na kayang ibsan ang ating pananabik sa dagat at tamang-tama ito sa surfing dahil sa simula na rin ito ng daluyong ng mga alon sa dagat.
Bukod sa Intramuros ay puwede ring bisitahin sa Agosto ang Vigan City na isa ring best-preserved Spanish colonial town sa buong mundo dahil sa kakaiba nitong kagandahan lalo na sa mga classic architecture na nilagyan pa ng cobblestoned sa mga kalye.
Maaari rin mamalagi sa naggagandahang hotel sa Vigan para anumang oras ay madaling makapamasyal at ma-enjoy ang napakaraming klase ng pagkain na tanging sa Vigan lamang matitikman.
Ang Setyembre ay para naman sa mahuhusay na talaga sa surfing dahil ito ang panahon para subukin ang kani-kanilang husay sa naturang larangan at ang surfing capital of the Philippines ay ang Siargao na ngayon ay unti-unting nakababangon mula nang salantain ng Bagyong Odette.
Dinarayo naman ang MassKara Festival tuwing Oktubre, na isinasagawa sa Bacolod na mas kilala sa bansag na City of Smiles na kinapapalooban ng street dance competition, Electric massKara at MassKara Queen Pageant na sinasabayan ng murang pamasahe sa pagbisita sa panahong ito.
Tuwing Nobyembre ay panahon naman ng Higante Festival na isinasagawa sa Angono, Rizal na kilalang ‘Art Capital of the Philippines’ na dinarayo taun-taon ng mga turista at media para saksihan ang mga higanteng gawa lamang sa papel at tela.
Disyembre, lahat ay abala na sa napakaraming pagdiriwang kabilang na ang Giant Lantern Festival sa San Fernando, Pampanga at kabi-kabilang party na lahat ng ating kababayan ay sabay-sabay na nagdiriwang.
Parang ang bilis ng panahon, pero malaking tulong ito sa ating turismo na mabigyan natin ng tip ang ilan sa ating mga kababayan at higit sa lahat ay nakapamasyal tayo kahit saglit lang, kahit sa maiksing pagbabasa lang, maiba naman!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments