Iba na lang ang kalabanin ni Pacman, huwag na si Ugas
- BULGAR
- Sep 4, 2021
- 2 min read
ni Gerard Arce - @Sports | September 04, 2021

Naging maugong ang bali-balitang rematch sa pagitan nina WBA Super World welterweight champion Yordenis “54 Milagros” Ugas ng Cuba at nag-iisang eight-division World titlist Manny “Pacman” Pacquiao matapos ang naganap na laban noong Agosto 21 na pumabor sa Cuban boxer – ngunit nananatiling malaking katanungan kung matutuloy pa ba ang naturang laban.
Iminungkahi ni MP Promotions President at international matchmaker sa isang report na mas makabubuting humanap na lamang ng ibang makakalaban ang 42-anyos na Philippine Senator sa kanyang susunod na laban, sakaling mapag-isipan nitong lumaban sa kahuli-hulihang pagkakataon.
Sinabi ng 54 na Oklahoma City native na kinakailangang makapili ng isang makakalaban ang Filipino boxing legend at future boxing Hall of Famer ng isang solidong boxer at doon nito magagawang maipakita ang pagtatapos ng karera sa isang maganda at maningning na klase ng laban at hindi tulad ng pagdaraanang matindi at dikdikang training camp gaya ng mga huli nitong laban.
Nakatakdang ianunsyo ni Pacquiao (62-8-2, 39KOs) ang kanyang mga plano sa mundo ng politika, boxing career at pamumuhay ngayong buwan matapos ang 12-round unanimous decision na pagkatalo sa 35 na si Ugas sa T-Mobile Arena sa Las Vegas, Nevada. Minsan ng sinabi ni Pacman na bukas siya sa isang ‘rematch’ kay Ugas sa hinaharap.
Ngunit sakaling mapag-isipan nga ito ng kampo ni Pacquiao ay mas lalo pa umanong maghahanda ang 2008 Beijing Olympics bronze medalist para sa kanilang ikalawang pagtatapat.
Inamin ng Las Vegas-based Cuban na si Ugas (27-4, 12KOs) na kinakailangan niyang mas maipakitang karapat-dapat siya sa panalong nakamit kay Pacquiao at mas lalong magpupursigeng tindihan at higitan pa ang preparasyon at pagsasanay sa kanyang training camp.
“The main difference if there is a rematch is that we will be even better prepared,” pahayag ni Ugas sa ginanap na Zoom media conference call sa lathala ng Boxingscene.com. “That is an important distinction heading into the rematch where I will have a full training camp specifically preparing for Manny Pacquiao.”




Comments