top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

IAN AT HEAVEN, SUGAR DADDY AT SUGAR BABY ANG TAWAGAN

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 15, 2022
  • 3 min read

ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | December 15, 2022



Pinalakpakan nang husto ang trailer ng pelikulang Nanahimik ang Gabi sa ginanap na grand mediacon nitong Martes sa SM North Directors Club dahil sa opening pa lang ay makukuha na ang atensiyon ng manonood.


Para sa amin ay dark sexy thriller ang dating ng pelikulang idinirek ni Shugo Praico at nagulat kami kay Heaven Peralejo na unang beses siyang tumanggap ng sexy role dahil kahit sexy at seductive ang eksena habang nasa pool ay mukha pa rin siyang inosente.


Kaya naman todo-puri ang lahat ng media na dumalo sa mediacon dahil nagulat sila kay Heaven na hindi na pa-sweet ang karakter. Ang sosyal niyang panoorin sa pelikula na bumagay pa sa kanyang husky voice.


Anyway, ginagampanan ng dalaga ang karakter na si Me-Ann bilang asset (daw) ni Ian Veneracion as Chief na nagbibiruan na ang tawag nila sa isa’t isa ay ‘sugar daddy at sugar baby.’


May illicit affair kasi sina Me-Anne at Chief at ang ganda ng pagkandong ng dalaga sa aktor, kaya natanong kung naramdaman ni Ian na nag-alangan ang aktres sa kissing scenes nila.


Maagap na sagot ni Ian, “Hindi, eh. Nasa mode ako nu’ng Chief, eh, ‘yung character ko, medyo dark talaga na malisyosong ano, eh,”


“So, wala. Kahit kumandong siya or ano, nandu'n din ako sa mode na in character din, eh. Saka siya, kumakandong naman siya not as Heaven, eh. Nakikita ko, si Me-Anne.


“'Yun, sakto sa karakter niya. Kaya rin siguro wala kaming ilangan, kasi alam namin, malinaw sa amin pareho, we’re both in character.”


Hindi naman nakasagot kaagad si Ian sa follow-up question ng event host na si Ogie Diaz na, “Kung naka-in character kayo, Ian, may nag-react ba sa kandungan scene?”


“Parang (nag-iisip) Seiko Films ba ito? Nu’ng '90s. ST. ST ba ito?” balik-tanong ni Ian.

Mabilis na sagot ni Ogie, “Vivamax.”


Biro naman ni Ian, “Alam mo, Jun Macarrubo.”


Tumawang sabi ni Ogie, “Ang luma!”


Dating publicity director ng Seiko Films si Jun Macarrubo na pinamamahala ni Mr. Robbie Tan kapag nagpapatawag ng presscon.


Nabanggit namin na dark sexy thriller ang dating ng Nanahimik ang Gabi, pero sabi ni Ian, “Actually, sexy ‘yung movie in terms of psychological. And 'yun nga, it’s medyo twisted in many ways.


“Kita n'yo naman ‘yung handcuffs, ‘yung mga ganu'ng scenes, saka ‘yung mga swimsuit scenes ni Heaven.


“Nakaka-excite kung ano ang magiging reaction ng mga manonood. Pero 'yung iba kasi, halu-halo, eh.


“'Yung iba, puwede mong isipin, ‘Ay! Naku, they’re promoting sex!’ 'Yung others naman, sasabihin nila, ‘Oh, it’s good, they’re pointing out certain things na mali sa society.’ 'Yung ganu'n.


“So, iba-iba sila. Until mapanood nila ‘yung buong pelikula, saka lang natin makikita 'yung feedback.”


Lagi namang ganu’n ang mga gawa ni Direk Shugo, laging may twist kaya nakaka-excite talagang panoorin.


Nabanggit din ni Ian na unang beses niyang pumasok ng sinehan pagkatapos ng pandemic na naniniwala naman kami dahil sa isang hotel ginawa ang watch party ng series niyang One Good Day na palabas sa Prime Video.


Aniya, “Matagal akong hindi nakapasok sa sinehan. Iba pa rin talaga 'pag ganyan ka-big screen kahit na snippet lang ang pinanood natin. Nakakatuwa lang na heto, ganito, ang dami natin dito sa loob uli ng sinehan.


“And hopefully, mag-translate iyon sa Metro Manila Filmfest na magbalik-sine ang mga tao talaga. Kasi, iba! Iba talaga 'pag big screen.”


Sabi ng multi-awarded actor na si Mon Confiado ay sina Heaven at Ian ang para sa kanya ang Best Actress at Actor sa Gabi ng Parangal ng Metro Manila Film Festival 2022 sa Disyembre 27.


Kaya ang tanong kay Ian ay umaasa ba siya ng award ngayong MMFF 2022?


“Ewan ko. Parang hindi ‘yun ang motivation namin para mag-shoot or para gawin ang eksena.


'Pag meron, meron. 'Pag wala, wala. It doesn’t really ano, parang hindi naman siya goal.


“Pero itong script kasi nga, ‘yung movie, ang daming ipino-post na questions, eh, about us, about our society.


“It’s not a movie that promotes, for example, violence. It’s actually pointing out certain things na parang katulad nu’n, napakarami nating kilala na may sugar daddy, sugar mommy, sugar ganyan. Pero sa society natin, parang naging OK na. Naging tanggap na, 'di ba? Pero sa totoo, 'yung mga anak ba natin, gusto ba nating maging sugar baby? Sugar daddy, sugar, you know. 'Yung mga ganu'n.


“So, maraming mai-introduce na mga tanong din sa sarili natin pagkatapos nating mapanood ito.


“Saka ‘yung mga bagay na, ‘yun nga, hanggang kailan tayo mananahimik sa mga certain moral issues? At saka, iku-question ‘yung values natin.”


Anyway, binigyan ng R-13 ng MTRCB ang Nanahimik ang Gabi na mapapanood na sa December 25 handog ng Rein Entertainment na pagbibidahan nina Ian, Heaven at Mon mula sa direksiyon ni Shugo Praico.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page