Hyper Stewart at hayblad Lebron, first time suspended
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 24, 2021

Hindi nagustuhan ng NBA ang inasta ng mga manlalaro noong isang araw kaya suspendido na walang suweldo sina LeBron James ng Los Angeles Lakers at Isaiah Stewart ng Detroit Pistons bunga ng kanilang away sa Little Caesars Arena. Agad silang ipinalabas sa laro kung saan nanalo ang bisitang Lakers, 121-116.
Si James ang natukoy na pasimuno matapos sikuhin sa mukha si Stewart kasabay ng free throw ni Jerami Grant na may 9:18 pa sa third quarter. Mas matagal ang parusa ni Stewart dahil gumanti siya at hindi nagpaawat upang lalong palakihin ang gulo.
Ito ang pinakaunang suspensiyon ni James sa kanyang 18 taon sa NBA at hindi siya magbibihis ngayong araw para harapin ang New York Knicks. Hindi maglalaro si Stewart kontra sa Miami Heat ngayong araw at World Champion Milwaukee Bucks bukas.
Sa iba pang laro, ipinasok ni Jaren Jackson Jr. ang tres na may anim na segundo sa orasan upang gulatin ng bisitang Memphis Grizzlies ang Utah Jazz, 119-118. Nagtapos si Jackson na may 26 puntos upang tulungan sina Ja Morant na may 32 puntos at Desmond Bane sa 28.
Balik bilang solong numero uno ng Eastern Conference ang Brooklyn Nets matapos talunin ang Cleveland Cavaliers, 117-112, para sa kartadang 13-5. Bumida sa Nets sina Kevin Durant na may 27 puntos at LaMarcus Aldridge na may 21.
Hindi nakasabay sa Nets ang Chicago Bulls at nanaig ang Indiana Pacers, 109-77, sa likod ng 21 puntos ni Domantas Sabonis. Ang isa pang humahabol sa East na Washington Wizards ay naantala ang pag-angat nang magwagi ang Charlotte Hornets, 109-103, kung saan nagtala ng 32 puntos si Terry Rozier.





Comments