top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Huwag magpaloko sa fake news!

BULGAR
Sep 15, 2021
2 min read

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | September 15, 2021


Ngayong nalalapit na ang eleksiyon, personal tayong nananawagan sa ating mga kababayan na maging mapagmatiyag at alerto sa mga kumakalat na fake news.


Ang patuloy na pagpapakalat ng fake news ay hindi na bago lalo na’t papalapit na ang eleksiyon. Nasa taumbayan na ang paghuhusga kung maniniwala sila sa mga naninira lamang.


Sa mga nagkakalat ng black propaganda, hindi n’yo maloloko ang mga Pilipino. Alam ng mga tao kung sino ang mga naninira lamang.


Desperado na ang mga kalaban kaya naninira. Gusto lang nilang putulin ang magagandang programa at nagawa ni Pangulong Duterte sa ating bayan. Hayaan na lang nating taumbayan ang humusga kung may magandang pagbabago ba sa kanilang buhay… kung nakakalakad na ba ang kanilang anak at kampanteng nakauuwi nang ligtas kaysa noong unang panahon.


Nakalulungkot ang mga ganitong kasinungalingan, lalung-lalo na dahil talagang nagsusumikap ang ating gobyerno upang maitawid ang bansa sa krisis at maitaguyod ang kapakanan ng mga Pilipino. Hindi makatarungan na mismong inihalal ng sambayanan ang humahanap ng paraan para magpalaganap ng black propaganda at siraan ang kredibilidad ng ating trabaho.


Gayunman, may kumpiyansa tayong kahit ano’ng baluktot ng kaaway ay lalabas at lalabas pa rin ang katotohanan.


Dapat ikulong ang mga magnanakaw na nagsasamantala sa pera ng tao, at kung may mapatunayang anomalya laban sa amin ay magre-resign kami. Ano pa ba ang gusto ng kalaban? Imbes na magtulungan tayo para malaman ang katotohanan ay puro paninira ang kanilang inaatupag.


Ang Pangulo mismo ay hindi papayag na gawin ang mga ganun sa mga Pilipino, na abusuhin ang kanilang tiwala at lokohin sila sa anumang paraan.


Nandito tayo para magserbisyo, magbigay-solusyon sa mga problema, at tumulong sa mga nangangailangan. ‘Yan ang pangako namin sa taumbayan. Kahit ano’ng putik ang itapon ninyo, hindi matitinag ang aming prinsipyo na gawin ang tama at ipaglaban ang kapakanan ng bawat Pilipino.


May kumakalat na balita na nagpapatayo tayo ng bahay sa exclusive na subdivision; ni hindi nga natin alam ang mga bahay ng mayayaman d’yan sa Ayala, Alabang.


Kailanman, hindi natin ginamit ang posisyon para sa sariling interes kaya anumang pambabatikos at paninira ang kanilang gawin ay patuloy tayong tatayo at lalaban.


Ito rin ang dahilan kaya patuloy tayong lumalaban—sa tulong na rin ng mga prinsipyo ni Pangulong Duterte bilang ating inspirasyon—upang bigyang-prayoridad ang mga interes ng mga kababayan nating nangangailangan o iyong mga nawawalan ng pag-asa, upang masiguro na walang Pilipinong mapag-iiwanan sa daan tungo sa muli nating pagbangon.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page