top of page

Hustisyang batay sa katotohanan, bakit hirap itulak?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 days ago
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 10, 2025



Fr. Robert Reyes



Maraming natuwa nang na-transmit na ng House of Representatives ang “articles of impeachment” laban sa bise presidente noong Pebrero 5, 2025. “Forthwith” ang salitang Ingles na pinagtalunan ng Kamara at Senado noong nakaraang Hulyo. Ang bunga nito ay ang “remanding” ng “articles of impeachment” ng Senado noong Hunyo 10 sa Kamara. Hindi nagtagal, lumabas naman ang salitang “unconstitutional” mula sa Korte Suprema. Hindi nagpatalo ang Senado kaya’t inilabas nila ang pinakahuling salitang “archived”.


Tingnan natin ang mga ibig sabihin ng mga salitang halinhinang ginamit ng Kamara, Senado at Korte Suprema sa kontrobersyal na “impeachment complaint” laban kay Vice President Sara Duterte:


Transmitted: ipinadala ng House of Representatives at tinanggap ng Senado ang impeachment complaint.


Forthwith: o immediately, o agad-agad na dapat sinimulan nang litisin ang bise presidente sa pagtanggap ng Senado ng articles of impeachment.

Remand: ibinalik ng Senado sa HOR ang ipinadala nitong impeachment complaint.


Unconstitutional: sabi naman ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang prosesong sinunod sa pagpapadala ng HOR sa Senado dahil hindi lang isa kundi apat na reklamo ang ipinadala (labag sa isang impeachment complaint lang dapat ang ipinadala).


Archived: sariwang-sariwang salita na ang ibig sabihin ay i-file, itabi para balikan na lang sa “tamang panahon” sabi ni Senate President Chiz Escudero.


Salita, salita, salita. Magagaling ang mga nagsasalita. Siyempre, mga abogadong pinag-aralan ang Konstitusyon at ang mga pamamaraang ginagamit para sa naturang “due process.” Saan matatapos ito? Abangan ang paglabas pa ng mas maraming salita. At habang inilalabas ang mga salita, naaantala nang naaantala ang paglilitis na dapat na matagal nang naganap noon pang nakaraang Pebrero. Kung may tiyaga kang panoorin at pakinggan ang mga talakayang nagaganap sa Senado ngayon, kundi sasakit ang iyong ulo, magsisikip naman ang iyong dibdib.


Kaya ang umiikot na larawan ng isang damdamin na kumakalat ay ang pagtayo ni Kiko Dee, apo ni Cory Aquino, na nag-thumbs down sa harapan ng lahat at mabilis na umalis ng session hall ng Senado. Tila may galit at sama ng loob, ngunit walang pagbitiw sa laban ang nakita ng lahat sa mukha at buong pagkatao ni Kiko. Malinaw na hindi siya nag-iisa. Matalino, propesor, aktibista ang apo ni Cory Aquino. Humahanga ang marami sa kanya at hanga rin ako at maraming kabataang tumitingala sa kanilang kapwa lider ng kabataan.


Ano pa ang sasabihin ng mga senador, ng mga hurado ng Korte Suprema o ng mga abogadong nagtatanggol sa inirereklamo ng impeachment complaint.

Mas marami pang salitang aasahan mula sa mga magagaling gumamit, lumikha at magtago sa salita. Marami tayong kaibigang abogadong magagaling at matitino.


Marami rin tayong nakilala at nakasamang mga mahuhusay ngunit hindi matitinong abogado sa iba’t ibang adbokasiya natin. 


Mataas ang paggalang natin sa mga magagaling, lalo’t higit ang matitinong abogado. Kasuklam-suklam ang pagbubusabos ng ilang mga abogado sa kanilang sagradong bokasyon bilang lawyer.


Kaugnay nito ang mga pariseo, na numero unong kalaban ni Kristo noong kapanahunan niya. Kung ano ang ginagawa ngayon ng maraming abogado sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan ay siya ring ginawa ng mga pariseo noong panahon ni Kristo.


Kailangang-kailangan nilang patahimikin si Kristo dahil hindi nila matiis marinig ang katotohanang laging ipinapahayag nito. Paano patatahimikin si Kristo? Madaling-madali para sa mga pariseo. Gawan siya ng kaso at iharap sa hukom. Nanggugulo at nagtatawag ng rebelyon laban sa gobyernong Romano. Sinulsulan ang mga tao na sumigaw laban kay Kristo. Kung anuman ang ibinigay at ginawa ng mga nagsulsol sa mga tao, basta’t nagtagumpay sila.


Ganito rin halos ang nangyayari sa ating bansa. Matapos ang mahabang paglilitis ng QuadCom sa mga tila anomalyang sangkot ang bise presidente, kumilos na ang iba’t ibang grupo para itulak ang kanyang impeachment trial sa Senado. 


Pero, urong sulong ang lahat ng bagay. Susulong ng ilang hakbang at uurong ng mas maraming hakbang. Bakit hirap itulak ang tama? Bakit kaydaming humahadlang at sumisira sa proseso ng hustisyang batay sa katotohanan? Bakit may dalawang uri ng hustisya: para sa mayaman at makapangyarihan, at para sa dukha? Maaari bang mabili ang hustisya? Dapat hindi ngunit sa panahon ni Kristo hanggang ngayon nananaig ang korupsiyon sa lahat ng antas.


Mahalagang paalala sa mga sanay sa paggamit at pagbaluktot sa batas. Basahin muli ang mula 2 Corinto 3:6:


“Niloob niyang kami ay maging lingkod ng bagong tipan, tipang hindi nababatay sa kautusang natititik kundi sa Espiritu. Sapagkat ang dulot ng titik ay kamatayan, ngunit ang Espiritu’y nagbibigay buhay.”

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page