top of page
Search
  • BULGAR

Hustisya sa biktima ng panggagahasa na sangkot ang konsehal, kailangang maibigay

ni Ka Ambo - @Bistado | October 13, 2021



Sa gitna ng COVID-19 crisis, may malaking problema si Gov. Danilo Suarez.


Nadadamay siya at ang kanyang anak sa isang kaso ng konsehal na sinisikap umano nilang maareglo.


◘◘◘


DAPAT hayaan na lang umandar sa normal na proseso ang kasong rape, illegal detention na isinampa sa isa niyang kaalyadong konsehal ng Lopez, Quezon.


Inihayag ng grupong Citizens Movement Against Corruption, Crime, Illegal Drugs and Gambling, Inc. sa pamumuno ni Prop. Salvador Singson-de Guzman na sinampahan ng mga kasong accessory to the crime of kidnapping and serious illegal detention with rape, obstruction of justice, accessory to the crime of child abuse at anti-graft and corrupt practices act si Quezon Governor Danilo Suarez at anak niyang abogado sa opisina ng Ombudsman.


◘◘◘


ANG kaso ng mag-ama ay isinampa sa Ombudsman noong Oktubre 7, ni Rose Rosario Tapiador, 53-anyos, tindera ng balut at nanay ng biktimang si Jennyrose na sinasabing kinidnap, ikinulong at ginahasa sa loob ng hotel ng isang konsehal sa Lopez, Quezon.


Sinabi sa affidavit-complaint ni Rosario na pilit umanong inaareglo ni Governor Suarez sa pamamagitan ng kanyang anak ang kasong kidnapping and serious illegal detention with rape at child abuse na isinampa ni Jennyrose sa konsehal.


◘◘◘


NAGANAP umano ang tangkang pag-areglo sa kaso ni Jennyrose noong Setyembre 25, kung saan pinuntahan ng anak ng gobernador ang mag-ina sa kanilang nirerentahang bahay sa Pasig City sa tulong ng isang Anamarie Santiago na pinsan ni Rosario.


Ayon sa sinumpaang salaysay ni Anamarie, bago niya sinamahan si Atty. Suarez sa bahay ng mag-ina ay ipinadukot muna siya sa tatlong lalaki noong madaling-araw ng Setyembre 22 bandang alas-2:00 ng madaling-araw.


◘◘◘


NATUTULOG umano siya sa loob ng bahay sa Malabon City kasama ang kinakasamang si Rodel.


Sinabi ni Anamarie na agad siyang isinakay sa kulay puting van at nakita niya sa loob ng sasakyan ang hipag na si Myrna na taga-Mauban, Quezon province at siya ang nagturo sa kinaroroonan niya.


Hindi niya nakausap ang hipag dahil pinagbawalan ng mga armado na magsalita.


◘◘◘


PAGDATING ng tatlong armado, kasama si Anamarie sa Kapitolyo ay wala pa si Governor Suarez kaya naghintay sila, subalit maghapon umanong hindi dumating ang gobernador.


Pinakain at pinatulog si Anamarie sa isang kuwarto sa Kapitolyo ng babae na hindi siya nagpakilala.


◘◘◘


DUMATING si Governor Suarez sa Kapitolyo noong araw ng Setyembre 24, kaya nagkausap na silang dalawa at pinakiusapan ng governor si Anamarie na tulungan niyang makalabas ng kulungan ang konsehal.


Sinabi ng gobernador kay Anamarie na samahan niya ang abogado sa bahay ng mag-inang Jennyrose at Rosario at pakiusapan silang makipag-areglo.


◘◘◘


AYON kay Prop. De Guzman ang pahayag ni Anamarie ay matibay na basehan upang idamay sa kaso si Gov. Suarez at ang kanyang anak dahil gusto nilang takpan ang mga kaso ng konsehal sa publiko.


Si Jennyrose ay sinasabing dinukot, ikinulong at paulit-ulit umanong ginahasa ng konsehal sa loob ng hotel sa Rosales, Pangasinan mula Abril 17 hanggang Abril 22.


◘◘◘


NOONG Setyembre 15, nagpalabas si Judge Rosely Andrada-Borja ng RTC Branch 53 sa Rosales, Pangasinan ng dalawang warrant of arrest laban sa konsehal na walang piyansa ang mga kaso.


Noong Setyembre 20, inaresto ang konsehal ng pinagsanib na puwersa ng CIDG at mga pulis ng Lopez and Catanauan Municipal Police Stations.


Marami ang nagdarasal na mabigyan ng hustisya ang biktima ng panggagahasa.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page