Hustisya para sa taumbayan, kulong sa mga tiwaling opisyal
- BULGAR

- 18 minutes ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | November 23, 2025

Panahon nang seryosohin ng pamahalaan ang pagpapatupad ng batas, na kahit gaano kaimpluwensya ang personalidad, dapat habulin at papanagutin upang harapin ng mga ito ang ating hustisya.
Kaya ang mabilis na pag-deploy ng tracker teams para hanapin sina dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co at ang 17 iba pang akusado ay isang hakbang na matagal nang hinihintay ng taumbayan, isang palatandaan na hindi na sapat ang mga press release, kundi totohanan na ang pananagutan.
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, simula pa noong Martes ay nakaantabay na ang tracker teams bilang paghahanda sa paglabas ng arrest warrants mula sa Sandiganbayan.
Nang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na inilabas na ang mga warrant of arrest kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects sa Oriental Mindoro, agad kumilos ang bawat team, at pinuntahan lahat ng tirahan at opisina ni Co, at ng iba pang nasasangkot, kung saan hapon nang matanggap ng law enforcers ang nasabing warrant at agad ding sinimulan ang paghahanap.
Sinabi ni Remulla na ang huling lokasyon ni Co ay nasa Japan, ngunit umalis na ito at kasalukuyang hindi matukoy ang destinasyon.
May Blue Notice na rin na may dalawang buwan para matunton ang galaw nito, pero kung hindi agad matagpuan, posibleng hilingin ang Red Notice at ang kanselasyon ng kanyang pasaporte. Kasama sa mga kakasuhan ang mga opisyal mula sa Department of Public Works and Highways at Sunwest Corporation, na umano’y sangkot sa P289 milyong flood control project na pinaniniwalaang may iregularidad.
Habang nagpapatuloy ang operasyon, sinabi ni Remulla na babantayan din ang surveillance footage sa opisina at bahay ni Co upang matukoy kung nakabalik na ito sa bansa.
Tiniyak naman ni acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na mahigpit na susundin ang due process sa pagpapatupad ng arrest warrants. Sinabi niyang ang koordinasyon sa Sandiganbayan at iba pang ahensya ay tuluy-tuloy para sa maayos, legal, at propesyonal na operasyon. Dagdag pa niya, ang pagtugis na ito ay patunay ng pagpapatibay ng pamahalaan sa transparency at accountability.
Ang tunay na sukatan ng hustisya ay hindi sa kung gaano kabigat ang kaso, kundi ang determinasyon ng estado na habulin ang mga may sala. Hindi maaaring puro salita lamang, dapat may managot. Kung seryoso ang pamahalaan sa laban kontra-katiwalian, kailangan nitong tiyakin na mahuhuli at mapaparusahan ang mga tiwali, habang hindi simula lamang bagkus tapusin nila trabaho. Gayundin, ang hustisya ay hindi press statement, ito ay may kaakibat na aksyon.
Nararapat lamang na may managot sa katiwalian, at mabigyan ng pagkakataon ang taumbayan sa hustisyang matagal na ring inaasam.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments