ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | December 6, 2023
Kinokondena ko ang ginawang pagpapasabog ng mga terorista sa Dimaporo Gym ng Mindanao State University sa Marawi City habang may ginaganap na misa noong December 3.
Itinaon pa sa First Sunday of Advent, na isang mahalagang araw para sa mga kababayan nating Katoliko. Nagresulta ito sa pagkamatay ng apat na biktima. Nasugatan din ang 45 katao na agad isinugod sa Amai Pakpak Medical Center para malapatan ng lunas.
Nagpahatid din tayo ng taus-pusong pakikiramay sa mga pamilya ng mga namatayan at nasaktan sa pag-atakeng ito. Masakit para sa sinumang magulang, kapatid o anak, ang mawalan ng mahal sa buhay, lalo na kung dulot ng karahasan.
Bilang vice chair ng Senate Committee on National Defense at maging ng Committee on Public Order, nananawagan din ako sa ating law enforcers na tugisin ang sinuman na responsable sa karahasang ito at ipataw sa kanila ang nararapat na kaparusahan na naaayon sa ating mga batas. Kailangang makamit ng mga biktima ang hustisya sa lalong madaling panahon.
Binigyang-diin ko rin na napakahalaga na maprotektahan ang ating mga educational institutions sa mga ganitong akto ng terorismo. Ang pagtiyak na ligtas ang ating mga estudyante sa anumang banta ng terorismo ang dapat nating maging pangunahing prayoridad para mapalaganap ang panatag na learning environment para sa ating mga kabataan.
Sa gitna ng ganitong trahedya, nanawagan din ako sa ating mga kababayan na manatiling matatag at nagkakaisa. Ang gawain at layunin ng terorismo ay ang maghatid ng takot sa mga tao.
Kung hahayaan natin ang ating mga sarili na mamuhay na may malaking sindak sa ating mga kalooban ay magwawagi ang mga terorista. Dapat tayong manatiling buo ang loob at hindi nagkakawatak-watak. Huwag nating hayaan na ang nangyaring krimen ay maging mitsa ng hidwaan sa pagitan ng mga sektor sa ating lipunan at lalong magpalaki sa pagkakahati-hati ng mga Pilipino.
Gusto ko ring banggitin ang naging karanasan natin sa Marawi City at kung paano nagpakatatag ang mga residente roon matapos silang atakihin ng mga terorista noong May 2017 noong panahon ni dating pangulong Rodrigo Duterte at nagkaroon ng matagal na labanan hanggang mabawi ng puwersa ng ating gobyerno ang siyudad. Sa ngayon, ang ating mga kapatid doon ay bumabangon pa mula sa madilim na abo ng Marawi Siege habang patuloy pa ang pagbibigay ng compensation na alam naman natin na hindi pa sapat upang tuluyang maibalik ang mga nasirang gusali at kabuhayan ng mga biktima.
Huwag nating hayaan na ang panibagong aktong ito ng karahasan ay maging sagabal sa ating mga naging pagsisikap na makamtan ang pangmatagalang kapayapaan at pag-unlad sa Marawi City, kung saan ang mga taong naninirahan ay mapayapang namumuhay nang sama-sama at may respeto sa isa’t isa sa kabila ng kanilang pagkakaiba ng relihiyon at paniniwala.
Samantala, tuluy-tuloy naman ang ating pagseserbisyo para sa iba’t ibang sektor sa buong bansa upang matulungan ang ating mga kababayan lalo na ang mga mahihirap sa abot ng aking makakaya.
Bilang chair ng Senate Committee on Sports, dumalo tayo noong December 4 sa ginanap na 3rd Siklab Youth and Sports Awards sa Market Market, Taguig City sa imbitasyon ng PSC-POC Media Group. Nagpapasalamat tayo sa ipinagkaloob sa atin na Godfather of the Year Award dahil sa ating suporta sa sports sector ng ating bansa.
Kinilala rin at binigyang-pugay sa pagtitipon ang mga atletang kabataan na nagpamalas ng galing, talento at determinasyon sa larangan ng palakasan at nagdala ng karangalan para sa ating bansa. Ang palagi kong paalala sa lahat, ‘get into sports, stay away from drugs to keep healthy and fit!’
Kahapon, December 5, ay naging guest speaker tayo sa opening ceremonies ng 59th Philippine Association of Medical Technologists, Inc. (PAMET) Annual Convention sa kanilang paanyaya.
Inilahad ko ang aking buong suporta sa ating medical professionals kasama na ang mga MedTechs bilang pagkilala sa kanilang papel upang mapalakas ang ating health sector.
Dumalo rin tayo sa year-end activity at Christmas party ng Provincial Board Members League of the Philippines (PBMLP) Region 8 na ginanap sa Maynila noong gabing iyon.
Pinaalalahanan ko ang mga kapwa ko lingkod bayan na kahit magkaiba kami ng posisyon, iisa ang aming hangarin na magserbisyo sa aming kapwa.
Nabigyan naman ng tulong ng aking opisina ang mga naging biktima ng insidente ng sunog gaya ng 13 residente ng Butuan City, at isa pa sa Nasipit, Agusan del Sur.
Napagkalooban din sila ng tulong pinansyal para pambili ng gamit sa pag-aayos ng kanilang bahay mula sa programa ng National Housing Authority na ating isinulong noon at sinusuportahan hanggang ngayon.
Nabigyan din namin ng tulong ang 920 mahihirap na residente ng Gapan City, Nueva Ecija katuwang ang tanggapan ni Cong. GP Padiernos.
Gayundin, ang 16 maliliit na negosyante sa Makilala, North Cotabato ay nabigyan din ng tulong ng ating tanggapan bukod pa sa natanggap nilang livelihood kits ng DTI mula sa programa nilang ating isinulong at patuloy na sinusuportahan.
Natulungan din natin ang mga nawalan ng hanapbuhay gaya ng 205 sa Tuguegarao City katuwang si Mayor Maila Ting, at 180 sa Dumangas, Iloilo katuwang si Mayor Toto BJ Biron.
Pinagkalooban din ang mga ito ng DOLE ng pansamantalang trabaho.
Samantala, bilang pagsuporta sa OFWs at pagkilala sa importansya ng sports sa nation-building, nagkaloob din tayo ng mga bola at shirts sa mga nakiisa sa basketball match sa pagitan ng mga celebrities at ng mga pamilya ng ating overseas Filipino workers na ginanap sa Ninoy Aquino Stadium sa Manila, sa imbitasyon ni OFW Partylist Rep. Marissa del Mar Magsino.
Lagi nating tandaan na ang mga kababayan natin ay gustong lamang mamuhay nang tahimik.
Bigyan natin ang ating mga kapwa Pilipino ng mas ligtas at mapayapang buhay at proteksyunan natin sila laban sa hirap at karahasan. Magtulungan tayo para makamtan ito.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments