top of page

Human trafficking sa ‘Pinas, palala nang palala

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 8
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Apr. 8, 2025



Boses by Ryan Sison

Sa panahon ngayon, may mga indibidwal na ginagawang instrumento ang mabubuting bagay para pagtakpan ang masamang intensyon. 


Minsan, ginagamit nila ang mga institusyon ng relihiyon o mga social causes para sa mga ilegal na aktibidad. Isang masakit na realidad na hindi natin maiiwasang tanungin kung bakit may mga taong nakakagawa ng ganito. 


Ang pag-abuso sa tiwala ng mga tao, pati na rin sa mga institusyon ng gobyerno, ay nagiging sanhi ng mas malaking problema sa lipunan. Lalo pa’t ito’y isang paglabag sa karapatang pantao na nagiging dahilan ng matinding pagsasamantala at pang-aabuso.


Nitong Lunes, iniulat ng Bureau of Immigration (BI) ang isang bagong scheme ng human trafficking kung saan ginagamit ng mga suspek ang pagiging misyonaryo para makapagtago ng kanilang ilegal na gawain.


Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, tatlong babae na may edad 23, 25, at 50 ang naharang sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 noong Abril 1 nang magtangkang bumiyahe patungong Singapore at Thailand. 


Sinasabi ng mga biktima na sila raw ay full-time church volunteers na magbibigay ng missionary work sa Thailand, pero nang magsagawa ng karagdagang pag-iimbestiga, napansin ang mga pagkakaiba sa kanilang mga dokumento. 


Nang tanungin ay inamin ng dalawa sa kanila na hindi sila bahagi ng isang missionary group kundi mga guro na ni-recruit para magtrabaho ng ilegal sa isang paaralan sa Thailand. Inamin din nila na ni-recruit sila ng isang babaeng kasama nilang maglakbay, na nagpakilalang lider ng kanilang kongregasyon.


Ayon sa mga otoridad, ang naturang insidente ay nagpapaalala ng ‘Bitbit’ scheme kung saan may mga indibidwal na ginagamit ang kanilang pagiging frequent travelers upang magdala ng mga biktima sa ilalim ng maling impormasyon. Ang mga ganitong klaseng pangyayari ay paalala sa ating lahat, na kahit may proteksyon at hakbang na isinasagawa ang kinauukulan, may iilan pa ring mabibiktima sa mga mapanlinlang na pamamaraan ng mga traffickers, kaya importanteng maging alerto tayo lalo na kung lalabas ng  bansa. 


Sa mga ganitong pagkakataon, mahalaga rin ang pagtutulungan ng otoridad at mga mamamayan upang masugpo ang mga ilegal na gawain at masiguro na ang bawat Pilipino ay ligtas mula sa anumang uri ng trafficking.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page