Huling sona ni P-Digong, sinalubong ng baha, Delta variant at lindol
- BULGAR
- Jul 26, 2021
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | July 26, 2021
Huling SONA ni P-Digong ngayon.
Sinalubong ito ng bagong variant ng COVID-19, malalaking baha at lindol!
◘◘◘
MATAPOS ang SONA, masasaksihan natin kung paano iwanan ng mga dating kapanalig si P-Digong.
Maunawaan natin kung ano ang ibig sabihin ng lameduck president!
◘◘◘
UNANG sintomas ay ang paglayo ng mga dating kapanalig ni P-Digong.
Una, wala na sa kanyang pundiya si Sen. Manny Pacquiao na binola niya na suportado niya sa pagkapangulo, pero hindi naman pala!
◘◘◘
NAGDEKLARA na ang tandem nina Sen. Panfilo "Ping" Lacson at Senate President Vicente "Tito" Sotto III na kasimpatiya ng administrasyon pero ngayon ay lantaran nang bumabatikos.
Nauna nang humulagpos ang dating Senate President na si Sen. Koko Pimentel na kasangga ni Pacquiao!
◘◘◘
HINDI na rin madidiktahan at mauutusan ni P-Digong ang dating tandem sa pagkandidato noong 2016 na si dating Speaker Alan Peter Cayetano kasama ang kagrupong BTS.
Malinaw na aktuwal na wala na sa bakuran ng Malacañang si Cayetano, walang debate riyan!
◘◘◘
MAGING si Mayor Isko ay inihahanay bilang maka-Duterte, pero nagpapatutsada na rin ito kontra sa Malacañang.
Hindi biro ang pagkawala ng mga dating kasimpatiya ni P-Digong!
◘◘◘
HINDI lamang ito aktuwal na boto o lider o grupo na humiwalay, bagkus ay matitinding bigwas ang pakakawalan nito sa manok ni P-Digong na si Mayor Sara.
Ito ay nagaganap bago pa mag-SONA!
◘◘◘
MATAPOS ang SONA, asahan ang sunud-sunod na pagbibitiw sa gobyerno ng ilan ding kapanalig ni P-Digong.
Siyempre, tatalon ang mga 'yan mula sa lulubog na barko!
◘◘◘
SA nakatakdang general assembly ng PDP-Laban, aktuwal na maga-aklas ang mga orihinal; na kapartido at kumupkop kay P-Digong sa huling eleksiyon.
'Yan ay ang paksiyon nina Pacquiao at Pimentel!
◘◘◘
KAHIT sa Senado at Kamara ay lilinaw ang bilang kung sinu-sino ang solidong tumiwalag na sa basbas ng Malacañang.
Ang lider ng mayorya sa Senado ay malinaw nang oposisyon!
◘◘◘
ANG dating speaker na Kamara na si Cayetano ay walang ibang patutunguhan kundi ang maging oposisyon na rin.
'Yan ay parami nang parami ang kumokontra sa Malacañang, taliwas sa malakas na lider na dapat dinurumog ng lider, imbes na iniiwanan!
◘◘◘
MALUNGKOT ang kauuwian ni Mayor Sara dahil siya ang tatanggap ng parusa ng mga serye ng blunder ni P-Digong.
Sumasandal lamang sa Hugpong ni Sara dahil sa unlimited resources ng gobyerno na magagamit sa kampanya!
◘◘◘
ANG makinarya ng gobyerno ay hindi palaging tumatalab.
Kung tumatalab ang unlimited resources ng gobyerno dapat hindi nawala sa poder si Marcos.
Hindi dapat natalo si Gibo Teodoro at hindi rin dapat natalo si Mar Roxas!
◘◘◘
DAPAT matuto tayo sa kasaysayan, hindi lahat ng No.1 sa survey ay nagwawagi—marami ay “ni-hindi” nakandidato man lamang tulad nina ex-Vice-President Noli de Castro at dating Sen. Raul Roco ; at natalo naman ang dating No.1 sa survey na si Jojo Binay.
Sa kabila nito, kakaunti pa rin ang nakauunawa ng maruming pulitika sa 'Pinas!





Comments